Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-13 na labas

“Gawan mo ng paraan.”

“Okay, tawag na lang ako ulit.”

Paglabas ni Jen sa cr ay nakasalubong niya ang maghahatid ng pagkain sa kuwarto ng sinasabi niyang babae kay Dave.

“Ah, ate, para ba ‘yan do’n sa babaeng nasa kuwarto?”

“Oo bakit?”

“Pwede bang ako na ang magdala, gusto ko kasi siyang makilala eh.”

“Naku hindi pwede, mapapagalitan ako ni Sister Olga. Espesyal kasi si Blue Rose. Anak siya ng namatay na matalik na kaibigan ni Father Simeon.”

“Ah, gano’n ba? Baka naman kahit silip lang, naku-curious kasi ako sa kanya eh.”

“Hindi nga pwede, ayokong mapagalitan.”

“Okay fine.”

Walang nagawa si Jen. Pero palihim niyang sinundan ang babae patungo sa silid ni Blue Rose.
“Makikita rin kita…” sa isip ni Jen.

Dahil naiwanan ng babae ang pinto na bahagyang nakaawang ay nasilip ni Jen ang loob ng kuwarto. Pero nakatalikod ang sinasabi ng babae na si Blue Rose kaya hindi niya nakita ang mukha. Nagulat pa siya nang biglang isara ng babae ang pinto.

“Ka-bad trip naman!” bigong humakbang si Jen palayo sa kuwarto.

Dahil wala pang makuhang impormasyon ay nilibang na muna ni Dave ang sarili. Nagpalakad-lakad siya sa kahabaan ng baybayin ng dagat. Nang mapagod ay naisipan niyang maupo.

Tinitigan ang papalubog na araw. Hindi pa nag-iinit ang puwet niya sa pagkakaupo sa buhanginan nang mamalayan niya ang presensya ng isang babae mula sa ‘di kalayuan. Nakatayo ito at nakatanaw rin sa papalubog na araw.

“T-Teka… parang pamilyar ang babaeng ‘yon ah?…”

Tumayo si Dave. Dahan-dahan ang ginawang paghakbang palapit sa babae. Pero matalas ang pakiramdam ng babae. Naramdaman siya nito kaya’t agad itong humakbang palayo. Pabalik sa loob mismo ng resort.

“Miss, teka lang!” habol ni Dave.

Pero lalo lang binilisan ng babae ang paghakbang palayo. Halos tumakbo na nga ito. Hindi na humabol pa si Dave. Dinukot ang larawan ni Gabbie na nasa bulsa ng pantalon at tiningnan iyon.

“Parang siya… mukhang siya na nga!”

Nagmamadali niyang dinayal ang numero ni Jen.

“Hello Jen, may babaeng pabalik diyan ngayon, hanapin mo siya, kapag nakita mo sabihin mo agad sa’kin, mukhang siya na ang hinahanap natin!”

“Talaga, o sige, aabangan ko siya sa gate!”

Matiyagang naghintay si Jen sa gate. Pero lingid sa kanya ay sa kabilang gate dumaan ang babae. Isa itong sikretong gate na sina Father at mga kapatid niyang madre lang ang nakakaalam. At dahil malapit ang babae sa magkakapatid kaya pinayagan nila ito. Alam kasi nila na ayaw munang makihalubilo ng babae sa mga kapwa niya broken-hearted. Humihingi pa siya ng kahit konti pang panahon.

Tinawagan ni Jen si Dave.

“Dave kanina pa’ko dito sa gate, wala namang pumapasok dito.”

“Hindi ako pwedeng magkamali, nakita ko siyang pumasok ng resort, hindi naman siguro siya multo?”

“Haha, nakakatawa, pwede ba umayos ka nga!”

“Hindi ako nagbibiro.”

“Okay fine, so ako mukha ba’kong nagdyo-joke dito?”

Related Posts

“Mabuti pa, maglakad-lakad ka diyan, baka may gate 2 or gate 3, baka may iba pang lagusan diyan na pwedeng daanan.”

“Okay boss!” pagkasabi ay ibinaba na ni Jen ang phone.

Mula nang makita ang babae ay hindi na mapakali si Dave. Gustung-gusto na niyang pumasok sa resort pero bawal ang lalaki doon maliban kay Father at sa hardinero ng resort.
“Hmmm, tama, ‘yung hardinero!”

Matiyagang inabangan ni Dave ang hardinero ng resort. Lumabas ito para magtapon ng basura. Mga tuyong dahon na inipon sa sako.

“Manong!” tawag ni Dave.

Nilingon siya ng matanda.

“Ano ho ba’ng mga ‘yan? Tulungan ko na ho kayo.”

“Ah, ito ba, mga tuyong dahon lang ito na winalis ko sa loob kaya magaan lang naman. Salamat na lang hijo.”

“Gano’n ho ba, e, Manong, pwede bang magtanong?”

“Ano ‘yon?”

“’Yung gf ko kasi, nagkasamaan kami ng loob, medyo nagtatampo siya sa’kin, gusto ko sanang malaman kung diyan siya pumunta, ano kasi eh, mahal na mahal ko pa rin siya… hindi ko kayang mabuhay nang wala siya… kaya nagbabakasakali akong makita ko siya diyan.”

“Naku iho, hindi ka pwedeng pumasok diyan, bawal.”

“Alam ko naman hong bawal, kaya sana kung pwede lang naman po, pakibigay nyo na lang itong sulat ko kay Gabbie.”

“Gabbie?”

“Gabbie ho ang pangalan niya… Gabrielle Alonzo. Parang awa n’yo na po Manong!”

“E… kasi hindi sila gumagamit ng tunay na pangalan diyan eh, meron silang mga code name, paano ko malalaman kung sino si Gabbie?”

“Gano’n ho ba?”

Kunwa’y saglit na nag-isip si Dave.

“Ah, saglit po, meron nga pala akong picture niya na lagi kong dala, gusto ko kasi na palagi ko siyang nakikita eh!”

Dinukot ni Dave mula sa bulsa ng pantalon ang picture ng dalaga. At saka iyon iniabot sa matanda.

“Siya po.”

“Aba’y napakaganda pala ng nobya mo!” sa isip ng matanda ay nakita na niya ang babaeng nasa larawan.

“Hindi lang po maganda kundi napakabait pa at napakalambing! Kaya nagsisisi nga po ako at nasaktan ko siya eh…”

Ginalingan ni Dave ang pagkumbinsi sa matanda kaya madali naman niyang nakuha ang tiwala nito.

“O, hamo at hahanapin ko itong nobya mo at ipararating ko sa kanya ang sulat mo!”

“Naku maraming salamat ho Manong!”

Payapang nakatulog si Dave nang gabing iyon. Umaasa siyang konting hintay na lang at makakaharap na niya si Gabrielle Alonzo! At makukuha na rin niya sa wakas ang malaking perang inaasahan niya mula kay John! Pero bukod sa pera, tila may kung anong pananabik pa ang nararamdaman niya sa puso niya na hindi niya maintindihan.

“No, Dave, pera lang ang gusto mo kaya gusto mo siyang mahanap at makita ‘di ba? Pera lang…”

Umaga. Nagkasalubong sina Manong Jo at Mabel sa loob ng resort.

“Uy Mabel, buti’t nakita kita.”

“Bakit ho, Manong?”

Inilabas ng matanda ang litrato. (Itutuloy)