Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-10 na labas

“Why not? Kung walang makapagsabi sa’kin kung nasaan si Gabbie, gagawin ko ang lahat ng paraang alam ko para makita ko siya.”

“Okay. No prob.”

Mainit pa sa kumukulong tubig ang ulo ni Dave nang dumating sa opisina niya. Sinalubong siya ni Alfie.

“’Tol mukhang hindi maganda ang gising natin ah?”

“Oo kaya umayos ka diyan! Bukod sa hindi magandang panaginip, hindi pa’ko nakakapag-almusal nakatanggap na’ko ng tawag du’n sa tinatrabaho kong case!”

“Malamang bad news?”

“Ano pa ba, ‘yung hinahanap ko nakipagtanan lang pala, ayun sinauli na nu’ng lalaki, buntis!”
Natawa si Alfie.

“Okay, pero don’t worry, papalitan ko ng good news ‘yang bitbit mong bad news!”

Natigilan si Dave.

“Anong good news?”

“’Yung kinakapatid ko si Jed, kailangan daw ang serbisyo mo nu’ng bestfriend niya. Nawawala daw ‘yung jowa eh!”
Napakunot noo si Dave.

“Nawawalang dalaga na naman ‘yan? Malamang sumama sa iba!”

“Posible ‘yan, pero itong babaeng hahanapin mo, stick to one ‘to, medyo nagkaroon daw ng LQ at ngayon nawawala si babae!”

“Sandali, baka naman pinapalabas lang nu’ng lalaki na nawawala ‘yung jowa niya, para makalusot sa krimen ‘yon pala minurder na o ibinaon sa kung saan!”

“Ang morbid mo namang mag-isip ‘tol, kahit anupaman, sigurado akong hindi mo matatanggihan ang offer na’to, ang laki ng bayad eh, doble sa binabayad sa’yo ng agency!”
“Ano?”

Ibinulong ni Alfie sa kaibigan ang bayad.

“Ibigay mo ang calling card ko kay Jed at sabihin mo kakaririn ko ang case na ‘yan!”
“Ibinigay ko na ang number mo, maghintay ka na lang ng tawag.”

‘Di naman nagtagal at nakipagkita si Dave kay Jed sa isang coffee shop.

“Ito ang picture ni Gabbie. Gf ng bestfriend kong si John.”

Related Posts

Saglit na tinitigan ni Dave ang larawan ng dalaga. Hindi niya alam kung anong meron sa picture nito na nagdulot ng kakaibang kaba sa puso niya. Para bang nakilala na niya ito sa ibang panahon. Parang reincarnation. Hindi kaya ito ang wife niya noong unang panahon?
“Dave.”

“Yes?”

“Siya ang pinakaimportanteng babae sa buhay ng kaibigan ko kaya siguraduhin mo na sa maigsing panahon ay makikita mo siya, I don’t care kung paano at saan mo siya hahanapin, kung mahahanap mo siya as soon as possible, makakatanggap ka pa ng incentive.”

“Sure, I’ll do my job, and my best.”

Matapos ang ilan pang minuto ng pag-uusap ay nagkamayan na ang dalawa at nagpaalamanan.

Excited na si Dave na gawin ang trabaho niya. Inumpisahan niya ang paghahanap sa net. Tsinek niya ang mga account ni Gabbie. Mukhang wala siyang makukuhang impormasyon doon dahil naka-private ang account nito. Sunod niyang hakbang ay subaybayan ang matalik na kaibigan nitong si Elise. Mula sa pagpasok sa opisina hanggang sa pag-uwi nito.

Hindi naman mapakali si Elise habang naglalakad sa kalye papasok sa kanila. Pakiramdam kasi niya ay may sumusunod sa kanya. Hindi pa siya nakakabili ng sariling kotse dahil breadwinner siya sa kanila kaya madalas ay taxi lang ang sinasakyan niya.

Hanggang sa kanto lang ang taxi kaya nila­lakad na lang niya ang ‘di naman kahabaang kalye na tumutumbok sa bahay nila. Nakikiramdam siyang mabuti. Bumilang siya sa isip.
“Isa… dalawa… tatlo.” Sabay lingon niya.

Wala siyang nakitang tao. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Bumilang ulit.
“Isa… dalawa… tatlo.”

Wala ulit siyang nakita.

“Naku minumulto na yata ako ng lola kong kamamatay lang sa probinsya… Nanang, kung ikaw man ‘yan, promise dadalawin ko ang puntod mo kapag maluwag na ang schedule ko.”

Usal ni Elise sa sarili.

Hindi naman nababahala si Dave na makikita siya ng dalaga. Sa loob ng ilang taon niya sa trabaho, ito lang ang na-master niya, ang lihim na pagsubaybay. Siguro nga isa lang siyang pipitsuging inspector pero naniniwala siyang darating ang araw na maghahatid sa kanya ng swerte ang trabahong ito.

Ilang araw din niyang sinubaybayan si Elise pero wala siyang makuhang impormasyon mula rito. Kaya ang tiyahin naman ng dalaga ang sinunod niyang imbestigahan. Inalam niya ang mga lugar na pinupuntahan nito na posible ring puntahan ni Gabbie.

Ayon kasi sa nakalap niyang impormasyon ay madalas makasama ni Mrs. Menchie Alonzo ang pamangkin sa mga personal na lakad nito. Kaya malamang isa sa mga lugar na pinupuntahan nila ang pinagtataguan ngayon ni Gabbie kung nagtatago man talaga ito.

Lingid sa kaalaman ni Dave, nasuyod na rin ni John ang mga lugar na pinupuntahan ng magtiyahin.

“John, ipaubaya na natin kay Inspector Dave ang paghahanap kay Gabbie. Kailangan ka na sa company.” Si Jed habang sakay ng kotse ni John.

“Mas madali ko siyang matatagpuan kung pati ako maghahanap.”

“Pero naaapektuhan na ang trabaho mo.”

“Don’t worry, hindi ko pababayaan ang trabaho ko, gusto ko lang talagang hanapin si Gabbie.

Hindi ako matatahimik kapag hindi ko ginawa ito. Miss na miss ko na siya. (Itutuloy)