Una sa Balita

Standhardinger ‘good problem’ sa SMB!

By
0 3,164

Sa April 22 na magsisimula ang PBA 2nd Conference (Commissioner’s Cup).

Sa 12 team na kasali, tiyak na tututukan ng fans ang 4-peat champion San Miguel Beer dahil ipaparada na nito ang top draft pick na si Christian Standhardinger.

Ang Fil-German na si Standhardinger ay may taas na 6-foot-9. Produkto ng US college basketball at bukod sa Gilas ay naglalaro din ito sa Eastern Hongkong team sa ABL.

Pumutok ang pangalan ni Standhardinger dahil sa kontrobersiyal na trade ng KIA at SMB na naging dahilan ng pagkakahati ng mga team at pagre-resign ni Chito Narvasa bilang commissioner.

Sa pagpasok ni Standhardinger sa San Miguel, maraming coach at pla­yer­ na ang nagsasabi na talagang magiging mahirap nang talunin ito.

Sa katatapos na Phi­lippine Cup, nakita kung paano dinomina ng Beermen, sa pangunguna ng 6-foot-10 na si June Mar Fajardo ang Magnolia.

Eh, kay Fajardo na nga lamang hirap na hirap na ang mga kalaban kung paano ito mapipigilan, na­dagdag pa si Standhardinger at siyempre pa ang import.

Lahat naman ng teams ay may import ngayong 2nd conference at siyempre import sa import ang magiging labanan pero siyempre iba pa rin ang may advantage sa local player.

Kaso si Fajardo at Standhardinger kung tu­tuusin ay para na ring import kaya maging ang fans, kahit hindi pa nagsisimula ang second conference sinasabing ang SMB na ang magka-kampeon dahil sa lakas ng kanilang line-up.

May ilang eksperto naman ang nagsasabi na may posibilidad na sa halip na makatulong, baka maging problema ang pagkadagdag ni Standhardinger na magiging advantage naman ng kalabang team.

Para naman kay Coach Leo Austria, kung ma­ging problema man si Stanhardinger ay ‘good problem’ ito.

Bakit? Sinabi ni Austria na sa importanteng laro, pito hanggang wa­long players ang kanyang ginagamit.

At dahil may Standhardinger siya at import, lalawak ang kanyang rotation ng players.

Tungkol sa import, si Troy Gillenwater mu­na ang kanilang import habang hinihintay na maging available ang kanilang champion import na si Charles Rhodes.