Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

SRP ni Dar walang kuwenta

0 286

Hindi nasusunod ang suggested retail price (SRP) ng Department of Agriculture sa ilalim ng pamumuno ni Secretary William Dar para sa galunggong, baboy, manok at iba pang mga produktong agrikultura.

Sa Bantay Presyo Price Monitoring report ng DA nitong Enero 14, 2021 ay nasa P240 per kilo pa rin ang presyo ng imported galunggong samantalang P140 kada kilo ang SRP na itinakda ng DA para dito.

Tinanong ng Abante si DA Assistant Secretary Noel Reyes kung may napanagot na ito sa mga hindi sumusunod sa SRP ngunit hindi ito tumugon.

Base sa mismong monitoring ng DA ay nasa P360 per kilo ang kasim sa palengke at P400 per kilo naman ang liempo, samantalang ang SRP na itinakda para dito ay P260 kada kilo sa pigue at kasim habang P290 sa liempo.

Maging ang presyo ng manok ay lagpas na rin sa SRP na P140 per kilo. Ayon sa monitoring ng DA, nasa P170 per kilo na ang manok.

Malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain sa mga mas maliliit ang suweldo dahil malaking bahagi ng kanilang mga gastusin ang pagkain.

Nabatid sa Philippine Statistics Authority (PSA) na mas mataas ang inflation sa tinatawag nitong bottom 30% income households o ang 30% ng mga pamilyang Pinoy na pinakakonti ang kinikita.

Sabi ng PSA, mas mataas ang inflation rate sa bottom 30% income household dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain at mga non-alcoholic beverages.

Ang inflation rate ay ang bilis na pagmahal ng presyo ng mga bilihin magmula sa bigas, karne, isda, gulay, yosi, alak, kuryente, tubig, load sa cellphone, damit, pati na tuition sa paaralan at pamasahe.

Kasabay nito ay hiniling ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan na gawan ng paraan na mapababa ang presyo ng pagkain dahil lalo pang maghihirap ang taumbayan sa gitna ng pandemya.

“Kakarampot na lang ang nabibili sa palengke ng limang daang piso. Sobra ang itinaas ng presyo ng mga bilihin ngayong bagong taon. Dagdag pahirap ito sa pandemya, “sabi ni Pangilinan. (Eileen Mencias/Dindo Matining)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.