Una sa Balita

‘Spider-man’, rigodon tumatak sa 2019 PBA

0 510

KABUNTOT ng 2019 season ng PBA ang kaliwa’t kanang trade.

Tumatak sa isip ng mga tagasubaybay ang rigodon ng hindi lang basta players kundi big names.

Higit sa fifth straight MVP plum na tinanggap ni June Mar Fajardo sa umpisa ng taon, sa five-peat ng San Miguel Beer sa Philippine Cup, sa kakulitan ni Calvin Abueva at sa pagbabalik ni Kiefer Ravena.

Inumpisahan ng trade ng TNT kay Terrence Romeo papuntang SMB noong December 2018 pagkatapos ng annual draft kapalit nina Brian Heruela at David Semerad at 2021 first round pick.

January 13 nagsimula ang 44th season, pero kailangang isama sa listahan ang December trades dahil technically, ang draft ang unang aktibidad ng papasok na season.

Hindi doon natapos ang KaTropa, nakipagkasundo sa trade kasama ng Blackwater at NLEX. Pinakamala­king pangalan sa three-way exchange si Poy Erram mula Elite na napadpad sa Road Warriors kapalit nina first round picks Paul Desiderio at Abu Tratter at si Michael Miranda na tinapik agad sa TNT.

February, pinagmulta si NorthPort guard Stanley Pringle­ ng P75,000 at sinuspinde ng isang laro dahil sa pagbigwas kay Jay-R Reyes sa tune-up game pa ng Batang Pier at Columbian Dyip.

March, naigapang ng Gilas Pilipinas na hawak­ na ni coach Yeng Guiao ang dalawang panalo sa final window ng Asian Qualifiers at nakabalik sa FIBA World Cup ang Filipinos.

Mainit ang semifinals ng Philippine Cup sa pagitan ng San Miguel at Phoenix, resulta ng pisikalang serye ay umabot sa P155,800 ang multa sa 12 players.

Bago natapos ang Game 5 ng Finals sa pagitan ng SMB at Magnolia, tumakbo sa loob ng court ng Smart Araneta Coliseum ang isang lala­king naka-complete costume ni Spider-Man.

Nasapak ni Ronald Tubid ng SMB ang intruder, isang lalaki pang napagkamalang kasabwat ni Spider-Man ang binigyan ni Kelly Nabong.

Pinagmulta ng tig-P75,000 sina Tubid at Nabong.

May 14, nabingwit ng Meralco si Raymond Almazan mula Rain or Shine kapalit ng 2019 at 2021 first-rounders.

Kinabukasan sa deci­ding Game 7 ng Finals, nabaon ng 17 ang Beermen pero nag-rally sa fourth sa pangunguna nina Alex Cabagnot, Romeo, Arwind Santos at Finals MVP June Mar Fajardo para tapusin ang Hotshots at kumpletuhin ang five-peat sa all-Filipino. Sa unang pagkakataon sa six-year PBA career, kampeon ang dating three-time scoring champion na si Romeo.

Kauumpisa lang ng Commissioner’s­ Cup, headline na agad ang pangalan ni Calvin Abueva. Una siyang nasangkot sa obscene gesture sa woman fan na nagkataong girlfriend ni Blackwater rookie Bobby Ray Parks sa laro ng Phoenix at Elite sa MOA Arena.

Makalipas ang ilang araw, binigyan ni Abueva ng matinding clothesline si TNT import Terrence Jones.

Binigyan ni commissioner Willie Marcial ng indefinite suspension si Abueva at matatapos na ang season ay hindi pa nakakabalik.

June 18, umangas pang lalo ang backcourt ng Ginebra nang makuha si Stanley Pringle mula NorthPort kapalit nina vete­rans Sol Mercado, Kevin Ferrer at Jervy Cruz. Reunited sina Ferrer at Cruz kay Pido Jarencio na coach nila dati sa UST.

Nakabalik sa finals ng midseason confe­rence ang TNT, hinamon ang San Miguel.

Sa emosyonal na series, binagsakan si Arwind Santos ng P200,000 fine dahil sa ‘monkey gesture’ (racially derogatory act) kay KaTro­pa import Terrence Jones.

Sinikwat ng SMB ang titulo ng Commissioner’s Cup sa anim na laro. Abot-kamay ng Beermen ang grand slam – pangalawa ng prangkisa pagkatapos noong 1989.

August 25, natapos ang FIBA-imposed 18-month suspension ni Kiefer Ravena at isinama ni coach Yeng Guiao sa final 12 na sumabak sa World Cup sa China. Nag-beg off si Jayson Castro, injured sina Marcio Lassiter, Matthew Wright at Poy Erram. Binanderahan nina veterans June Mar Fajardo, Japeth Aguilar at nagbabalik na si Andray Blatche ang Nationals kasama sina Gabe Norwood, Raymond Almazan, Troy Rosario, Mark Barroca, Paul Lee, RR Pogoy, at rookies CJ Perez at Robert Bolick. Rebelasyon sina Perez at Bolick sa debut nila sa world stage.

Kaya lang, walang naipanalo ang Gilas sa limang laro at umuwing luhaan, dead-last sa 32-nation tournament.

Pagbalik mula China ay nag-resign si Yeng Guiao sa Gilas, nakumbinse ng Samahang Basketbol ng Pilipinas­ si Tim Cone para bumalik sa national coaching. Ipinahawak kay Cone ang Gilas squad na kakampanya sa SEA Games na iho-host ng Pilipinas ng December.

Noong Oct. 14, isa pang panggulat na one-on-one trade ang kinumpleto ng San Miguel at NorthPort. Binitawan ng SMB si Christian Standhardinger sa Batang Pier kapalit ni Mo Tautuaa. Top pick overall ng Beermen ang Fil-German noong 2018, naka-apat at kalahating conference lang sa SMB.

Pinamigay ng Blackwater si rookie Bobby Ray Parks sa KaTropa kapalit Don Trollano, Anthony Semerad at 2021 first rounder.

Malaking papel ang ginampanan ni Standhardinger, kasama sina Sean Anthony at import Michael Qualls, kaya humabol sa playoffs ang NorthPort kahit tengga si rookie Robert Bolick (ACL).

Iitnumba ng NorthPort ang No. 1 NLEX sa quarterfinals, naging unang No. 8 team ang Batang Pier na lumusaw sa twice-to-beat ng top seed team pagkatapos ng Powerade kontra B-Meg noong 2012 Philippine Cup.

Nakarating sa final four ang NorthPort pero kinalos ng Ginebra sa apat na laro.

Nakabalik sa Finals ng season-ending cup ang Gin Kings, may rematch sila ng Meralco. Kinalos ng Ginebra ang Bolts noong 2016 at 2017 sa championship round ng Governors Cup.

December, tinapos ng Gilas Pilipinas ang taon na taas ang noo matapos ang pambawing gold me­dal sa SEA Games. Winalis ng all-pro squad ni Tim Cone na binubuo nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Christian Standhardinger, Troy Rosario, Vic Manuel,­ Stanley Pringle, LA Tenorio, Marcio Lassiter,­ Chris Ross at Kiefer Ravena.

Sweep ng Pilipinas ang gold ng basketball events ng Games, kampeon sa men’s 3×3 sina CJ Perez,­ Chris Newsome, Jayson Perkins at Mo Tautuaa.
Reyna ng women’s 3×3 sina Jack Animam, Afril Bernardino, Janine Pontejos at Clare Castro bago giniyahan ang women’s 5×5 sa makasaysayang top podium finish – una ng women’s squad sa SEAG.

Hindi pa tapos ang season, sa Jan. 7 pa sisindihan ng Ginebra at Meralco ang Book 3 ng karibalan sa Finals ng Governors Cup. (Vladi Eduarte)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More