Una sa Balita

SPED center sa Pilipinas kulang na kulang

0 358

Tungkulin ng ating pamahalaan na magkaloob ng pantay-pantay na edukasyon sa kabataang mag-aaral. Naniniwala tayo na ang edukasyon na libre at dekalidad ay para sa lahat para walang batang mapag-iiwanan at hindi dapat maging hadlang anuman ang kanilang katayuan sa buhay, kasarian o maging kapansanan.

Ang hamon ngayon sa mga pampubliko at priba­dong paaralan ay ang kakulangan ng Special Education o (SPED) Center para maipagkaloob natin ang pag-aaruga at pagsubaybay sa mga mag-aaral na may special needs.

Alam niyo ba na isa sa pito o 5.1 milyong kabataang Pilipino ang mayroong kapansanan, batay na rin sa ulat ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth. Ayon naman sa isang pagsasaliksik ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, ang pagkakaroon ng mga pasilidad, imprastruktura at transportasyon ay nananatili pa ring malaking hamon sa mga ‘persons with disability’ o PWD.

Bukod pa rito, base sa Basic Education Sector Transformation (BEST) Program, nasa 84 porsiyento ng mga munisipalidad sa Pilipinas ang wala pang mga SPED center. Para sa kaalaman nating lahat, ang BEST ay programa ng gobyerno ng Pilipinas at Australia na may hangaring gawing dekalidad ang edukasyon sa kani-kaniyang bansa.

Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na mayroong 648 na paaralan at mga SPED Center sa buong bansa sa kasalukuyan. Sa 648 na ito, 471 ang para sa elementarya habang 177 naman ang para sa high school.

Kaya isinusulong natin sa Senado ngayon ang pagtataguyod ng mga pampublikong SPED o Inclusive Education Learning Resource Centers sa pamamagitan ng Senate Bill No. 171 o Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act.

Sa panukalang ito, maipapatayo ang mga SPED center sa mga lugar na nangangaila­ngan nito. Maibibigay natin sa mga kabataang may kapansanan ang uri at kalidad ng edukasyon na angkop sa kanilang mga pangangailangan.

Layunin din ng ating panukala na magsagawa ng mga training program na makapagpapataas ng kamalayan tungkol sa kapansanan at inklusibong edukasyon para sa mga guro, school administrator, non-teaching personnel at mga magulang.

Naniniwala ang inyong lingkod na ang abot-kaya at dekalidad na edukasyon ang daan para mabigyan ng oportunidad at pag-asa ang ating kabataan na may kapansanan. Kaya mahalaga na ating masigurong may sapat na kagamitan ang bawat SPED center at may sapat na kakayahan ang mga taong nagpapatupad ng programang ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More