Una sa Balita

Sparrow Unit balik na naman?

By
0 651

Malamig na tinanggap ng Malacañang ang panukala ng mahigit sa animnapung mga mambabatas na mu­ling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista.

Ayon sa Palasyo, kailangan munang magkaroon ng ‘kaaya-ayang kondisyon’ bago makumbinsing muli si PDu30 na makipag-usap sa mga komunista.

Ayon kay Government Panel Chief Negotiator Silvestre Bello III, hangga’t walang malinaw at konkretong kondisyon, nag-iingat ang panel na irekomenda kay PDu30 ang pagbubukas na muli ng usapang pangkapa­yapaan.

Sa ngayon, maliwanag na nangingibabaw ang posisyon ng mga ‘hardliner’ sa administrasyong Duterte.

***

Bilang antisipasyon sa posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA) kaugnay sa pagdiriwang ng ika-49 na taong anibersaryo ng kilusan, bukas, Ika-29 ng Marso at sa panahon ng Semana Santa, nasa mataas na alerto ngayon ang mga sundalo at pulis.

Ayon kay Director Ge­neral Ronald dela Rosa, hepe ng Pambansang Pulisya, daang libong pulis ang ipinakalat sa buong bansa para hindi makaporma ang mga rebelde. Ang mga sundalo naman ay inalerto para tumulong sa pagsisiguro ng mga instalasyon ng gobyerno na maaaring targetin ng mga NPA.

Related Posts

***

Pinag-iingat ang mga pulis at sundalo kaugnay sa pinaigting na operas­yon ng mga rebeldeng komunista na binansagang ‘NPA SPARU’. Ayon sa PNP, muling binuhay ng Kilusang Komunista ang kanilang ‘special operations group’ na kumakana sa mga lungsod at matataong lugar. Kalimitan sa katindihan ng sikat ng araw.

Sa Metro Manila, noong 1980’s nakilala ang ‘Alex Bongcayao Brigade’ o ABB – ‘Sparrow Unit’ ng New People’s Army.

Ilan sa hininalang ope­rasyon ng ABB ay ang pagtumba kay US Army Col. James Rowe ng Joint United States Military Advisory Group O JUSMAG sa huling bahagi ng 1980. Marami pang personalidad at mga pulis ang napaslang na iniuugnay sa operasyon ng ‘Sparrow Unit’.

***

Para agad masawata ang ‘NPA SPARU’, kinuha ni Gen. Dela Rosa ang serbisyo ng mga retiradong opisyal ng PNP na bihasa sa ‘anti-insurgency operations’. Agad namang kinondena ito ng Kilusang Komunista.

Sa isang pahayag, sinabi ng NPA na walang malinaw na batayan ang pahayag ni PDu30 at Dela Rosa sa umano’y pinaigting na operasyon ng ‘NPA SPARU’.

Ang planong pagkuha sa serbisyo ng mga retiradong opisyal ng PNP para sa ‘anti-sparrow operations’. Ayon sa NPA ay magbubunsod lamang sa panunumbalik ng mga ‘secret marshalls’, na ginamit laban sa mga aktibista at panggigipit sa mga lehitimong karaingan laban sa gobyerno.