Una sa Balita

Spacecraft ng Japan nakalapag sa asteroid

0 704

LUMAPAG sa asteroid na may layong 300 milyong kilometro mula sa Earth ang isang Japa­nese spacecraft para sa misyong humanap ng mga palatandaan ukol sa pagsisimula ng buhay.

Inanunsyo ito ng Japan Aerospace ­Exploration Agency (JAXA) kahapon. Ayon sa ahensiya, noong Oktubre pa ang unang pagtatangka para sa pag-landing ng Hayabusa2 sa asteroid na tinawag na Ryugu, na tinatayang 900 metro ang lapad, ngunit nahirapan umanong makahanap ng posisyon na lalapagan ng spacecraft.

Paliwanag pa ng JAXA, naka-program ang Hayabusa2 para kumolekta ng mga materyal mula sa asteroid at dadalhin pabalik sa Earth para sa pag-aaral. Inaasahan ng mga eksperto na nagtataglay ang Ryugu ng organic matter na maaaring nagkaroon ng kontribusyon sa pag-uumpisa ng buhay sa mundo.

Ito na ang ikala­wang Japanese spacecraft na lumapag sa asteroid. Naging matagumpay ang unang Hayabusa na kumolekta ng mga asteroid dust mula sa asteroid na Itokawa noong 2005.
Nakatakdang bumalik sa mundo ang Hayabusa2 sa 2020.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy