Una sa Balita

THE SOURCE: JIRO, AYAW NANG BUMALIK SA REHAB!

By
0 2

Pitong araw na ang nakalipas mula nang luma­bas si Jiro Manio sa rehabilitation center sa Bataan na pinagdalhan sa kanya ni Ai Ai delas Alas.

Isang taon at apat na buwan na nanatili si Jiro sa nabanggit na rehab center at may offer sa kanya na maging volunteer pero tumanggi siya dahil pinili niya na bumalik sa Metro Manila.

Kung si Ai Ai ang masusunod, ayaw muna niya na lumabas si Jiro sa rehabili­tation center dahil sa pangamba na bumalik sa dating gawi ang former child actor.

Isang nagmamalasakit (hindi si Ai Ai) kay Jiro ang nagsabi sa amin na mahirap kausap ang aktor dahil pabagu-bago ang mga sinasabi nito.

Kung ang kausap namin ang tatanungin, tutol din siya sa pag-alis ni Jiro sa rehabilitation center.

“‘Yung mga bizarre thoughts niya sa sarili, hindi siya si Jiro. Spirit daw siya. Nagbabago ang ina­asal ni Jiro kapag due na ang injection sa kanya pero masunurin siya sa mga task sa kanya,” ang kuwento ng saksi sa ugali ni Jiro.

Gusto ni Jiro na kausapin si Ai Ai pero ito na ang tumanggi dahil dinamdam niya ang pagsuway ng aktor sa kanyang kagustuhan na manatili sa rehabilitation center habang hindi pa sigurado na magaling na ang aktor at  malakas na ang  kontrol nito laban sa mga temptasyon.

Kahit nakalaya na siya mula sa rehabilitation center, required si Jiro na mag-report, once o twice a month.

Pagkalat ng Aileen-Danding photos, hindi big deal!

Hindi big deal ang paglitaw ng litrato ng 1996 Bb. Pilipinas-Universe at former actress na si Aileen Damiles, kasama ang kanyang longtime partner, ang businessman na si Danding Cojuangco at ang kanilang dalawang anak na babae.

Kahit noong active pa si Aileen sa showbiz, maugong na ang balita na may relasyon siya kay Cojuangco pero walang kumpirmasyon mula sa kampo nila.

Hindi na itinatago ni Aileen ang pagsasama nila ni Cojuangco dahil naka-post sa kanyang Instagram account ang mga litrato ng kanilang pamilya na isang private account kaya malaki ang posibilidad na kaki­lala  niya ang naglabas ng mga larawan.

Isang kaibigan ni Aileen na kapwa niya beauty queen ang nagkuwento sa amin na hindi itinatanggi ng ex-Bb. Pilipinas-Universe ang matagal nang relasyon kay Cojuangco.

Sa kabila ng unwanted pounds, maganda pa rin si Aileen na dating contract star ng Viva Films at gumawa ng apat na pelikula mula 1998 hanggang 1999.

Sina Fernando Poe, Jr. at Bong Revilla, Jr. ang dalawa sa mga action superstar na nakatrabaho noon ni Aileen bago ito naging private citizen.

HELEN’S KITCHEN, ILALANTAD NA!

Supposedly, ang The Good Teacher ng GMA 7 na pagbibidahan ni Marian Rivera ang comeback television assignment ng veteran actress na si Helen Gamboa pero mauuna na ipalabas sa TV ang kanyang cooking show, ang From Helen’s Kitchen na mapapanood simula sa July 1 sa Colours Channel ng Cignal TV.

Isa si Helen sa mga artista na marunong at masarap magluto. Kinaiinggit­an din ng mga kaibigan at kapwa artista niya ang kanyang kitchen sa White Plains house nila ni Senator Tito Sotto.

Kapampangan si Helen at alam ng lahat na magagaling magluto ang mga kababayan natin sa Pampanga.

Noong 1992, binuksan ni Helen sa foodcourt ng Robinson’s Galleria ang Salad Station na isa sa paborito namin.

Lahat ng klase ng masasarap na salad ang mabibili sa Salad Station na pinipilahan namin kaya isa kami sa mga nalungkot nang magdesisyon si Helen na isara ang negosyo niya.