Una sa Balita

Sotto Handang Masibak — Ping

0 838

HANDA si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na matanggal sa puwesto dahil sa pinaplanong pagkuwestiyon sa pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visi­ting Forces Agreement (VFA), ayon kay Senador Panfilo Lacson.

“Naka-ready siyang matanggal kung ‘yan ang kinakailangan pero pagkaalam niya national interest at sa paniniwala niya rightly or wrongly, hindi ko sinasabing tama ang kanyang pananaw sa national interest pero ako naniniwala akong tama ang kanyang pananaw,” wika ni Lacson.

Tiwala naman ang senador na hindi tatrabahuin ng mga kaalyado ng Pangulo ang pagpapatalsik kay Sotto dahil lamang sa pagkuwestiyon nito sa VFA termination nang walang basbas ng Senado.

“I don’t think so (chances na mapatalsik si SP Sotto). I don’t think mangyayari ‘yan. Kasi issue naman ‘yan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB kahapon.

“Hindi lang ‘yan (walang boto para patilsikin si Sotto). Issue ang labanan dito, hindi naman ito ang personal na away na insultuhan.
Halimbawa ang mga opposition kung batikusin si PRRD, personal na minsan,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Lacson ang pahayag ilang araw matapos aprubahan ng Senado, sa pangunguna ni Sotto, ang Senate Resolution 312 na humihikayat kay Pangulong Duterte na irekonsidera ang pagbasura nito sa VFA.

Una rito, inihayag ni Sotto na plano nilang kuwestiyunin sa Korte Sup­rema ngayong linggong ito ang pagbasura ng VFA sa US dahil sa kawalan ng concurrence ng Senado.

Sabi ni Sotto, maghahain sila ng petition for mandamus at petition for certiorari.

Sabi ni Lacson, ang paghahain ng petisyon ay hindi naman nangangahulugan na hindi nirerespeto o kinokontra na ni Sotto ang naunang desisyon ni Duterte na ipawalang bisa na ang VFA ng Pilipinas at Estados Unidos.

“Of course, ganang nakapagbitaw siya alam kong galing sa sarili niya ‘yan, at kung makita mo babasahin mo very carefully ang aming resolution expressing the sense of the Senate, that was very carefully worded, ang respeto sa desisyon ng Pa­ngulo naroon,” ani Lacson.

“Hindi namin kinokontra kaya namin sinasabi roon, baka puwedeng i-review lang muna. Hindi naman namin pinangu­ngunahan na huwag i-abrogate,” ayon pa kay Lacson.

Para matanggal sa puwesto si Sotto, kinakailangan ang boto ng 13 senador. Muling nahalal na Senate President si Sotto noong Hulyo 2019 sa kabila ng ugong na papalitan ito ni Senador Cynthia Villar, ang topnotcher sa nakaraang senatorial elections. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More