Una sa Balita

Sotto, Belangel markado ng NU

By
0 925

Laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre, San Juan City)
4:00 pm – ADMU vs NU (Jrs. Finals)

WALA pang bahid ang karta ng Ateneo de Manila University, ito’y dahil sa kagitingan nina sophomore slotman Kai Sotto at SJ Belangel.

Muling kakapitan ng Blue Eaglets sina Sotto at Belangel pagharap nila sa National University sa simula ng 80th UAAP juniors basketball championship series sa FilOil Flying V Centre, San Juan City.

Nasikwat ng Ateneo ang outright passage sa Finals matapos itarak ang 14-0 win-loss record sa elimination round.
Bukod kina Sotto at Belangel, malaking ambag din ang kinana nina Dave Ildefonso, Joaqui Manuel at Jason Credo.

Nasa pangalawang puwesto ng double-round eliminations ang Bullpups sakmal ang 11-3 card bago sumalang sa championship round.

Makikilatis si Bullpups coach Goldwin Monteverde sa kanyang Finals debut at ayon sa kanya ay markado nila ang mga player ng Blue Eaglets sa serye.

“We’ll give our best against Ateneo. We have to improve our defense, especially kay Belangel at Sotto,” ani Monteverde.

Huling nagharap ang Blue Eaglets at Bullpups sa title round noong Season 77, kung saan nahablot ng Katipunan-based cagers ang korona. (Elech Dawa)