Una sa Balita

Sotto, Batang Gilas sumampa sa World Cup U19

By
0 996

MAKALIPAS ang 39 taon, tiyak na sa isa sa apat na silya sa FIBA World Cup Under 19 ang Batang Gilas Pilipinas nang pulbusin ang Bahrain, 67-52, kahapon sa quarterfinals match ng FIBA Under 18 Asian Championships sa Studio 29 sa Nanthaburi, Thailand.

Unang humarurot ang Batang Gilas sa simula ng laban matapos na maghabol sa 6-7 iskor, hinulog ang 14-0 bomba para agawin ang abante sa 20-7.

Pinalobo pa ng Batang Gilas ang lamang sa 26-13 mula sa basket ni Ariel John Edu, 7:24 sa ikalawang yugto bago nagulantang matapos na hindi na paiskorin sa sumunod na mga huling minuto mula sa matin­ding pagbalikwas ng mga Arabo.

Apat na tres ang pinakawalan ng mga Bahraini sa 21-0 bomba sa huling pitong minuto upang agawin ang bentahe sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 34-26, habang nilimitahan lang nito ang Batang Gilas sa walong puntos.

Hindi naman napigilan ang Batang Gilas sa ikatlong canto nang bumanat ng 15-2 rally sa unang anim na minuto tampok ang isang tres ni Miguel Andre Oczon para itulak ang koponan sa 41-36 ungos. Huli pang naitabla ng Bahrain ang laban sa 43-all bago natapos ang ikatlong yugto sa 48-45 lamang ang Pinoy.

Nagpakawala muli ng 15-2 pasabog ang Batang Gilas sa final quarter na tinampukan ng ilang alley-oop dunk ni Kai Sotto para mu­ling yanigin ang pumangatlo sa kanilang grupo na Bahrain. Pitong puntos lang ang nai-swak ng Bahrain sa 4th.

Pinangunahan ni Sotto ang Batang Gilas sa tinipong 21 puntos, 10 rebounds, 3 assists at 3 blocks habang tumulong si Edu ng 16 puntos, 17 rebounds, 3 assists, 2 steals at 2 blocks.

Nag-ambag si Oczon ng 10 puntos, 2 rebounds at 2 assists habang si Gilas cadet Dalph Panopio ay may 4 puntos, 4 rebounds, 8 assists at 1 steal.

Sasagupain ng Batang Gilas ang Australia na dinomina ang Japan sa quarters.