Una sa Balita

SONA at sona

By
0 333

Nakatadhana sa ating Saligang Batas na dapat magbigay ng ulat sa Kongreso, o joint congress, ang Pangulo hinggil sa kalagayan ng ating bansa o ‘state of the nation’. Tinatawag itong State of the Nation Address o higit na kilala sa acronym na SONA.

Ginaganap ang SONA sa Batasang Pambansa sa Quezon City tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, kasabay ng pagbubukas ng Kongreso.

Balitang-balita na ang magdi-direct ng SONA ay ang box-office hit director na si Joyce Bernal. Ibig sabihin, hindi lamang ito simpleng panonood ng sasabihin ng pangulo tungkol sa kalagayan natin at ng ating bansa, mayroon din itong e­lemento ng palabas at pelikula. Dahil totoo naman, hindi na lamang ang sasabihin ng Pangulo ang mensahe ng SONA.

Maging ang mistulang parada o pagrampa ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan suot ang magagara nilang damit ay nagpapahiwatig din ng mensahe — na mga mayayaman at makapangyarihan lamang ang kumakatawan sa atin, walang mumurahing damit na isinusuot ng karaniwan.

Bukas, tiyak na maraming matatrapik sa gawi ng Batasan kung saan isasagawa ang SONA. Pero hindi ang mga politiko na may espesyal na dadaanan para hindi maipit sa trapiko at makara­ting ng bulwagan sa hapon. Hindi ito ang karaniwang nararanasan ni Juan dela Cruz na kailangang magtiis ng ilang oras sa kalsada makarating lamang sa pupuntahan.

Ngayong natata­lakay ang usong salitang SONA, maganda ring pagkakataon na mapag-usapan ang iba pang kahulugan ng salitang ‘sona’. Iyong ‘sona’ na hindi na acronym, iyong salitang ‘sona’ na may literal na kahulugang sakop ng lugar.

Zone sa Ingles ang ‘sona’. Neutral na salitang ginagamit para tukuyin ang isang bahagi ng lugar. Sa lokal na pamahalaan, marami ang may zoning ordinance. Hinahati ang lugar batay sa sona at kung ano pangunahing gamit ng sonang ito.

Puwede itong industrial, commercial o agricultural zone. Kung industrial zone, iiwasan itong maging residential. Hindi la­ging akmang magkasama ang mga kabaha­yan at ang mga planta at pabrika.

Pero may isa pang gamit sa salitang sona na nagbibigay ng nega­tibong konotasyon lalo’t gamit na gamit ito noon hanggang ngayon. Sonahin, o iyong pupuntahan ang isang lugar upang pagbukurin ang mga nakatira, babae o lalaki, bata sa matanda. Nangyayari ito kapag mayroong operasyon ang pulisya o military upang maghanap ng kriminal.

Nagdudulot ng kaba ang pagsosonang ito. Mahigpit kasi ang pagpapatupad ng mga armadong opisyal at a­lagad ng batas. Oo nga’t walang dahilan para hulihin ang karamihan sa atin dahil hindi naman tayo gumagawa ng krimen, posibilidad din kasi na mapagkamalan at kuwestiyunin kapag sinosona.

Bukas, mistulang magtatagpo ang SONA at sona. Malinaw ang pagkakahati ng antas ng pamumuhay ng mga politiko at mamamayan. Mistulang sona na naghahati sa ating kabuhayan at karapatan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes