Una sa Balita

Soltera na balak mag-grocery ng libre, tiklo

By
0 144

ARESTADO ang isang 38-anyos na dalaga matapos mabuking ang paggo-grocery ng libre nang aktong ilalabas na ang mga pinamili, kamakalawa nang gabi sa Mandaluyong City.

Nahaharap sa kasong theft ang suspek na si Ma. Theresa Perez y Creer, 38-anyos, at residente ng No. 5830 Curie St., Palanan, Makati City na kasalukuyang nakakulong sa Mandaluyong detention cell.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), naganap ang pananalisi bandang alas-8:05 ng Miyerkoles nang gabi sa loob ng Wellcome Supermarket na matatagpuan sa P. Cruz cor. Boni Ave., Brgy. San Jose, Mandaluyong City.

Pumasok umano ang suspek sa loob ng grocery store at nagpanggap na kustomer at namili ng pitong piraso ng Meijia chocolate strawberry na nagkakahalaga ng P287, isang Canola oil na P 210, dalawang Del Monte tomato sauce na P39, isang pack Maggie sarap all in one P36, isang Green peas 225g na P16 at isang .900kg ground pork P215 na nasa total na P803.

Isinilid ng suspek ang mga pinamili sa kanyang bag habang naispatan naman ito ng isang civilian security guard na kung saan ay agad siyang hinanapan ng resibo nang papalabas na ng grocery store.

Sa kaugnay sa balita, inaresto rin ng Mandaluyong Police ang isang 34-anyos na lalaki matapos magnakaw ng memory card sa loob ng Cyberzone sa SM Megamall, kamakalawa nang gabi.

Nakilala ang suspek na si Kenny Robert Lambina y Pajarillo, residente ng BMA St., Brgy. Tatalon, Quezon City.

Inaresto si Lambina bandang alas-8:30 kamakalawa nang gabi sa loob ng Game and Gadgets sa Cyberzone 4th Floor ng SM Megamall Bldg. B, Mandaluyong City matapos mabuking ng isang store assistant na nawawala ang dalawang SandDisk memory card 128gb na nagkakahalaga ng P3,648 ang bawat isa na may total na P7,296 na nakalagay sa loob ng glass module at isinilid nito sa kanyang body bag.

Agad na sinita ang suspek at dinala sa admin office ng mall saka dinala sa Mandaluyong police para sampahan ng kasong theft.

Kapwa nakakulong sina Perez at Lambina sa Mandaluyong detention cell habang hinihintay ang pagdinig ng kanilang kinahaharap na kaso.