Una sa Balita

Social media gamitin sa mabilis na ayuda – Imee

By
0 362

Dapat magpatupad ng maayos at masistemang koordinasyon ang lahat ng ahensya ng gobyerno at mga pribadong grupong aayuda sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Bukod sa radio, telebisyon at diyaryo, paigtingin din natin ngayon ang paggamit ng social media sa komunikasyon para sa mas mabilis na tulong sa mga apektado ng pagsabog ng bulkang Taal,” pahayag ni Marcos sa isang statement.

Pero dapat aniyang maging responsable sa paggamit ng social media ang lahat ng kinauukulan at maging ang publiko upang matiyak na hindi sila mabibiktima ng fake news.

Sabi ni Marcos, bagama’t alam na ang protocol at aktibo na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kanya-kanyang papel sa gitna ng pagsabog ng bulkan, dapat ding masiguro ang malinaw, masistema, mahusay at mabilis na koordinasyon para sa iisang galaw sa pagtugon sa mga biktima ng kalamidad o sakuna.

“Higit na maayos at epektibo kung iisa ang galaw ng mga ahensya, well coordinated para mabilis ang dating ng ayuda sa mga apektado,” sambit ng senadora.

“Digital era na ngayon, kaya dapat digital din ang pagresponde o dapat mabilis para maiwasang magkaroon ng mga casualty,” dagdag pa nito.

Pinayuhan naman nito ang publiko na mag-ingat, manatiling kalmado pero alerto, at sumunod sa tagubilin ng mga awtoridad para ‘di mapahamak.

“Tumutok tayo sa social media pero tiyakin natin na ‘yung pupuntahan nating mga web page at social media accounts ay responsible at hindi nagpapalaganap ng fake news para mabilis nating mabatid ang sitwasyon,” ayon kay Marcos.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More