Una sa Balita

‘Social dumping’ sugpuin!

By
0 251

Nitong nakaraang buwan, naibalita po natin ang mga bagong OFW market sa Europa tulad ng bansang Poland na magbubukas ng 100,000 trabaho para sa mga Pinoy wor­ker.

Maliban po sa Poland, tiniyak rin ng Philippine Association of Service Exporters, Inc. o PASEI ang oportunidad para sa mga Pilipino sa construction, manufacturing, agrikultura at information technology sa iba pang mga bansa sa Europa tulad ng Germany, Austria at Czech Republic dahil sa kanilang tumatandang populasyon.

Binabalangkas na po ang mga inisyal na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at naturang mga bansa para makapag-deploy na tayo roon ng mga manggagawa.

Subalit kamakailan lang, umugong naman po ang balita tungkol sa pang-aabuso sa 22 mga Pinoy truck driver sa Denmark na isa ring bansa doon sa Europa.

Nabiktima po ang ating mga kababa­yan ng alterasyon ng kontrata dahil sa halip na sa Poland po sila magtrabaho, itinapon po sila sa Padborg, Denmark.

Ayon sa kanilang kontrata, tatanggap sila ng 1,060 Euros na suweldo kada buwan, meal allowance, free accommodation at health insurance subalit nang dalhin sila sa Denmark, wala po ang mga naturang benepisyo at parehong 1,060 Euros lamang ang kanilang suweldo.

Tinatawag pong ‘social dumping’ ang nangyari sa kanila dahil sa napaka­babang pasahod. Kung sa Denmark po kasi ang estasyon ng kanilang trabaho at hindi sa Poland, dapat 3,500 hanggang 4,300 Euros ang sasahurin nila at hindi 1,060 Euros lang.

Ang masaklap, sa mga container truck lang po sila natutulog at walang heater samantalang napa­kalamig po ng klima doon.

Laganap at napaka­tagal na pong problema ang social dum­ping sa Europa subalit hindi po ito dahilan para danasin ng ating mga kababayang truck driver ang maling kalakarang ito.

Sa ating palagay, malaki po ang pananagutan dito ng recruitment agency ng mga nabiktimang OFW, ang United Primemover Enterprises, Inc.

Maghahain po tayo ng resolusyon sa Senado para maimbestigahan po ng Committee on Labor ang kaso ng social dumping at sisikapin po nating masugpo ang pambibiktimang ito sa ating mga kababayan.

Kaugnay nito, itinutulak po natin ang ating panukalang Social Welfare Attache bill na nag­lalayong paigtingin ang pagbibigay ng ayuda sa mga distressed OFW sa bawat bansa.

Job Fair Schedule:
Bolinao Job Fair on Wheels – Bolinao, Panga­sinan – Nobyembre 20
Local and Overseas Employment Job Fair – Glorieta covered court, Poblacion, Arayat, Pampanga – Nobyembre 20
PESO Malabon Job Fair – Ampitheater, Malabon City – Nobyembre 22
PESO Cebu City Job Fair – Brgy. Robinsons Sports Complex, Cebu City – Nobyembre 23
PESO/LGU Taguig City Job Fair – Hagonoy/Central Bicutan, Taguig City – Nobyembre 24