Una sa Balita

Smuggling ng mga pulis sa NBP pinakalkal

0 447

Inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na imbestigahan ang ulat na pagpupuslit diumano ng kontrabando ng mga bantay na pulis sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Sa isang text message sa mga reporter, sinabi ni Guevarra na inutusan na niya si Bantag na agad aksiyunan ang naturang insidente na maitutu­ring aniyang nakababahalang ulat dahil patuloy pa rin ang nangyayaring katiwalian sa pambansang bilangguan.

Aminado naman si Guevarra na wala sa poder ng DOJ na ipag-utos ang pagsibak sa mga sangkot na pulis na inaakusahang nasa likod ng pagpupuslit ng kontrabando sa NBP.

Aniya, hindi maaa­ring makialam ang DOJ sa operational matters sa NBP pero maaari naman aniya nilang tawagin ang pansin ng BuCor kung ano ang dapat na gawin para matiyak ang tama at mas maayos na pamamahala sa NBP.

Nag-ugat ang isyu sa balitang may mga pulis na nagpupuslit ng sigaril­yo, alak at cellphone sa loob ng NBP at binebenta sa mga preso.

Samantala, inutos na rin kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director PBGen. Debold Sinas na imbestigahan ang 16 na pulis na sangkot diumano sa pagpupuslit ng kontrabando sa NBP.

Hindi pinangalanan ni Sinas ang 16 na pulis na kabilang sa 551 miyembro ng NCRPO Regional Mobile Force Company na itinalaga sa NBP para magbantay sa maximum security compound batay na rin sa kahilingan ng BuCor chief dahil na rin sa isyu ng korapsyon sa loob ng NBP.

Sabi ni Sinas, hindi niya kukunsintihin ang mga iligal na aktibidad ng kanyang mga tauhan pero umapela rin ito sa publiko na huwag agad husgahan ang mga pulis sa halip ay bigyan din ng pagkakataon na magpaliwanag.

Nabatid na nitong Lunes ay ipinatawag na sa Regional Investigation and Detective Ma­nagement Division ng NCRPO ang 16 na pulis at itinalaga muna sila sa Regional Personnel Holding and Accoun­ting Unit habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.

Sinabi pa ni Sinas na plano niyang magpalit ng mga tauhan sa NBP kada buwan para matiyak na hindi masasangkot sa katiwalian ang kanilang mga pulis. (Lorraine Gamo/Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy