Una sa Balita

Smokin Saturday, Son Also Rises markado

0 242

MAGTATAGISAN ng bilis ang limang tigasing pangarerang kabayo sa 2019 PHILRACOM “Grand Sprint Champion­ship” race na pakakawalan bukas sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.

Puspusan ang paghahanda ng mga trainer at jockey dahil sa laki ng guaranteed prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.

May P1M ang ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta kung saan nakalaan ang P600,000 sa magkakampeon, may distansya itong 1,200 metro.

Inaasahang markado sa laban si Smokin Saturday at Son Also Rises dahil sa kanilang mainam na performance, pero ayon sa mga karerista na palaging nakasubaybay sa mga stakes race, malaki ang tsansa ng ibang mga kalahok lalo na ang Lakan.

“Kahit maiksi lang ang karera, kapag may naglutsahan diyan siguradong may dadating na deremate kaya mahirap na laban ‘yan,” hayag ni ni Angel Cabunillas na taga-Tayuman.

Ang ibang kalahok ay sina Golden Buzzer at Pinagtipunan.

Kukubrahin ng owner ng pangalawang kabayong tatawid sa meta ang P225,000 habang mapupunta ang P125,000 at P50,000 sa third at fourth placer, ayon sa pagkakasunod.

Hahamig rin ng P30,000 ang breeder ng winning horse.

Kakargahin ni Lakan, Pinagtipunan at Son Also Rises ang 56 kgs., 53kgs ang kakargahin ni Smokin Saturday habang 52kgs. kay Golden Buzzer.
(Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy