Una sa Balita

SMC umaasa na maayos ang problema sa MRT-7 Quezon Memorial Station

0 293

UMAASA ang San Miguel Corp. ni Ramon Ang na mapaplantsa rin ng Department of Transportation (DOTr) at ng Quezon City government ang isyu kaugnay ng construction ng MRT-7 sa Quezon Memorial Circle.

Nag-isyu kasi ng cease and desist order ang Quezon City government sa construction ng Quezon Memorial Circle Station ng MRT-7 dahil maapek­tuhan umano ang pagiging ‘national heritage park’ nito.

Sabi ng isang opisyal ng DoTr kahapon sa briefing sa Malacañang, nag-post ng P11 bilyong bond ang San Miguel para sa proyekto na maaari nitong kubrahin sakaling magkaaberya ang proyekto.

Para sa SMC, ang solusyon ay nasa DOTr at Quezon City government.

“The resolution of issues is really up to DOTr as main proponent and the LGU. For us, while the order is a setback, we will do everything we can to make sure we keep to the timetable, and at the same time take into account the Mayor’s concerns,” saad ni SMC president Ramon Ang.

Matagal nang naantala ang MRT-7 project na 2009 pa pinirmahan ang concession agreement. Pumasok lang ang SMC noong 2016 at opisyal na nagsimula ang proyekto sa groundbreaking ceremony sa Quezon Memorial Circle.

Ayon sa SMC, mahigit 50% nang kumpleto ang proyekto sa kabila ng mga problema sa right of way. Ang MRT-7 ay tatakbo mula North Avenue sa Quezon City hanggang sa San Jose del Monte sa Bulacan. Kakayanin nitong pagsilbihan ang 850,000 na pasahero oras na matapos. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More