Una sa Balita

Smartmatic pinasususpende sa Comelec

By
0 1,545

IGINIIT ng isang mam­babatas na mas mainam na bumalik na lamang sa manual election sa halip na gastusan ng pamahalaan ang isang palpak na automated election.

Ayon kay Biliran Rep. Glenn Chong, suportado niya ang panawagan ng iba pang mambabatas na huwag munang bigyan ng budget ang Commission on Elections (Come­lec) hangga’t hindi nito nareresolba ang mga isyu sa automated election system.

Aniya, may punto sina Buhay Party-list Rep. Lito Atienza at Quezon Rep. Danilo Suarez nang kapwa sabihin ng mga ito na hangga’t palpak ang Comelec sa tungkulin ay hindi ito dapat pinaglaanan ng budget.

“Mamimihasa lang na kahit palpak ay nagiging ok lang napapalampas lang kasi may budget naman na aasahan sa susunod,” paliwanag ni Chong.

Lalo umano ang Smartmatic na hindi dapat pinasasali sa eleksiyon hanggang hindi nareresolba ang mga kasong inihain laban sa kompanya.

Kung pagbabatayan umano ang rekord ay nasa 37 na mga paglabag ang naitala sa Smartmatic at 23 ang nakabinbing kaso ang naisampa dito dahil sa iba’t ibang iregularidad sa nakalipas na tatlong eleksiyon.

“Tatlong eleksiyon na palpak na ang ginawa ng Smartmatic pero sila pa din ang kinukuha, hindi na tayo nadala,” sabi ni Chong.