Una sa Balita

Smartmatic bantay-sarado sa 2019 eleksyon

0 3,106

NAGLUNSAD ng online petition ang isang kontrobersyal na abogado upang maisakatuparan ang pagbabago sa bilangan ng boto bilang pangontra sa posibleng pandaraya sa 2019 automated elections.

Nangangamba ang petitioner na si Trixie Cruz-Angeles na maulit ang dayaan noong 2016 elections matapos kontratahin ng Commission on Elections (Comelec) ang Venezuela-based Smartmatic Inc., sa pag-supply ng vote counting machines sa 2019 midterm elections.

“A simple solution can check this cheating and return the people’s trust in the electoral exercise: a count of the voter’s receipts,” saad ni Angeles.

Giit ng dating abogado ni ­BuCor chief Nicanor Faeldon, sa pagtatapos ng botohan ay kailangang i-convene ng Board of Election Inspectors (BEI) ang mga watcher o kinatawan ng bawat partido ng national candidates at bilangin ang botong nakasulat sa voter’s receipt.

Ang voter’s receipt ay nakasilid lamang sa hiwalay na kahon na maaaring buksan at bilangin ng BEI. Maaaring ilimita ang bilangan ng mga kandidato lamang sa senador, congressman, governor, mayor at party-list.

“After counting, these can be compared with the tally posted at the door as well as those transmitted to the city. This simple procedure will require no extra cost except for the small amount of time allocated for this activity,” paliwanag ni Angeles.

Binanggit ni Angeles na isusumite niya sa Comelec ang petisyon sa tamang panahon.

Pumalo na sa 42,839 ang kumasa sa online petition sa change.org nitong Huwebes ng hapon.

Si Angeles ay naging abogado ni Faeldon at ng mga kumalas na kasapi ng Iglesia Ni Cristo. Noong Agosto 2016, pinatawan ito ng 3-taon suspensyon ng Supreme Court.

Ang Smartmatic ay kinaladkad sa dayaan sa halalan noong 2016 dahil ito ang namahala sa mga vote-counting machines na ginamit sa eleksyon.

Pinaniniwalaang sa precinct level pa lamang ay naganap na ang dayaan sa halalan noong Mayo 9.

Ibinuking din sa imbestigasyon ng Senado ng tatlong IT expert na may hawak silang SD cards na mayroong lamang mga datos ng boto na ibinigay nila sa Smartmatic na nag-transmit naman ng datos sa transparency server.