Una sa Balita

Smart, Globe binira sa mga bilasang mobile alert

By
0 224

IMBES na makatulong sa panahon ng kalamidad­ ay nakakairita ang kulelat na abiso o mga mobile­ alert ng Smart at Globe.

Ito ang binigyang-diin­ ni Bayan Muna chairman at dating congressman Neri Colmenares.

Si Colmenares ang nag-akda ng Free Disaster Mobile Alerts Law.

Kinalampag ng dating­ Bayan Muna solon­ ang mga telecommunications giant na paghusayin ang serbisyo at ayusin ang pagtalima sa nasabing batas­ dahil sa mga atrasadong text alert.

“Bilasa na ‘yung alert kapag dumadating eh. Sa halip na makatulong ay nakakainis ‘yung nangyayari. Halimbawa kahapon (Agosto 11) ay nag-text ang NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) na 2pm daw ay Red Rainfall warning sa NCR at Rizal pero 5pm na dumating­ ang text. Kagabing 10pm naman ay nag-text din na 8pm daw ay Red Rainfall warning pa rin daw,” himutok ng progresibong lider.

Layunin aniya ng batas na makapagligtas ng buhay at mga ari-arian pero kung atrasado ang abiso ay wala ng silbi ito.

Libu-libo ang stranded­ at inilikas dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan at puwede sanang naiwasan ito kung naging maagap ang pagpapadala ng text alert.

“We hope that Globe and Smart would improve their service especially since lives are at stake here,” giit ni Colmenares.

Wala rin aniya ang importanteng mga impormasyon na dapat ay nakapaloob sa ipinadadalang text alert.

Binalaan nito ang mga telcos na kapag hindi­ umayos ay sasampahan ng panibagong demanda ang mga ito.

“They should fast track the improvement of their service or face another law suit on top of the case for the text refund on their overcharging consumers for interconnection charges,” babala ng militanteng ­lider.