Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Smart campus dapat itaguyod

0 138

Kung may isang sektor po ang ating ekonomiya na pinakamalapit sa “ground zero” ng COVID-19, ito po ang edukasyon. Sa kalalabas na ulat ng Philippine Statistics Authority, nanguna ang sektor ng edukasyon sa listahan ng may pinakamaraming nawalang trabaho.

Aabot po sa 248,000 trabaho ang nabawas sa sektor ng edukasyon mula Pebrero hanggang Marso, 2021. Damang-dama po ito ngayon sa ating mga eskwelahan mula elementarya at high school hanggang tech-voc at kolehiyo.

Noong Setyembre 2020, inulat ng DepEd na mahigit 865 mga pribadong paaralan ang nagpatupad ng “suspension of operations” ngayong school year 2020-2021. May mga pribadong kolehiyo rin ang nagdeklara ng “permanent closure” habang nag-shutdown naman ang mga private university ng ilang mga degree program.

Sa kabila nito, hindi naman po nagkamali ang ating mga education agencies (DepEd, TESDA at CHED) sa pagpapatupad ng flexible learning modality simula pa noong nakaraang taon. Klaro po sa atin na kailangang magpatuloy talaga ang edukasyon sa kabila ng mga lockdown habang tinitiyak ang kaligtasan at kalusugan ng lahat.

Subalit naging malaking hadlang dito ang mahinang internet connectivity sa bansa. Bukod sa napakamahal ng internet subscription, napakabagal din ng internet speed at unstable pa. May mga lugar din sa Pilipinas na wala pa ring access sa internet.

Ito po ang dahilan kung bakit sinulong natin ang ₱3-bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 Law para sa pagtataguyod ng mga smart campuses sa ating 112 State Universities and Colleges o SUCs.

Gagamitin po ang pondo sa pagbili ng laptop para sa mahigit kumulang 40,000 mga SUC faculty, pagbuo ng mga learning management system, pag-develop ng mga Hyperconverged Infrastructure (HCI), at pag-increase ng internet bandwidth ng mga campuses.

Related Posts

Nilagak po natin ang pondo sa CHED na nagsimula nang tumanggap ng mga project proposal mula sa mga SUCs. Makakakuha ang bawat SUC ng hanggang ₱25-milyong pondo na inaasahan nating magagamit nila bago matapos ang taong 2021.

Noong isang linggo, nagsagawa po tayo ng consultative meeting sa pamamagitan ng Zoom kasama ang lahat ng mga SUC President sa buong Pilipinas. Karamihan, kung hindi man po lahat, ay nagparating sa atin ng pangangailangan nila para madagdagan ang budget para sa smart campuses.

Isa po sa mga obserbasyon sa pagpapatupad ng flexible learning ay ang hirap sa pagtuturo ng mga practical skill kung online modality ang gagamitin. Makakatulong po ang mga virtual laboratory para makagawa ang mga estudyante ng engineering at iba pang technical courses ng mga kumpletong laboratory experiment at simulation online.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Higher Education, patuloy po tayo sa pagsusuri sa naging impact ng pandemya sa higher education. Kinikilala po natin ang opinyon ng mga eksperto na magiging permanente ang mga pagbabagong dulot ng COVID-19 lalo na sa delivery ng higher education kung saan magpapatuloy ang online o virtual learning kahit pa kontrolado na ang pandemya.

Malaki po ang potensyal ng mga online o distance learning para mapalawak ang access ng ating mga kababayan sa higher education. Subalit kailangan ding pagtuunan ng pansin ang mga isyu sa telcos, connectivity, speed, at presyo ng internet sa Pilipinas.

Subalit ang pagbuo ng mga smart campuses ay hindi lang po tungkol sa ICT infrastructure. Isa po sa pinakamahalagang aspeto nito ay ang bagong “mindset” ng mga nangangasiwa ng ating mga higher education institution.

Kailangang itaguyod ang smart campuses ngayon hindi lang para maitawid ang edukasyon sa gitna ng pagbabawal sa mga face-to-face classes. Sa halip, dapat nating tingnan ito bilang pamumuhunan sa “future” ng edukasyon at trabaho kung saan isasagawa ang malaki o ilang bahagi nito sa pamamagitan ng mga virtual at digital technology.

Leave A Reply

Your email address will not be published.