Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Siraan

0 205

Kung bagay o object iyan, nasisira din naman ang dati nang sira. Kung laging ginagamit ang isang bagay, mas mabilis namang masira. Pero siyempre, hindi nakatuon sa gamit o bagay ang paksa natin ngayon. Nakatuon sa paninirang-puri.Paano sisirain ang malinis na puri?

Alam naman natin kung ano itong paninirang-puri na ito. Ito ay pagsasalita nang talikuran at makasisira sa puri o dangal ng isang tao. Pwede kang makasuhan ng paninirang-puri. May karampatang parusa sa batas ang mapatunayang nagkasala nito.

Karaniwan ay tao ang sinisiraan, tao naman kasi ang may puri. Pero pwede ring siraan ang kinikilalang institusyon upang bumaba ang kredibilidad, upang mabawasan ang integridad, para hindi na paniwalaan at mabela-wala.

Ganoon lang naman ang paninirang-puri. Sisirain ang puri sa pananaw ng ibang tao. Talikuran ito madalas nangyayari, at palihim, iyong hindi magkakaroon ng pagkakataong ipagtanggol ng sinisiraang-puri ang kaniyang sarili. Kaya nga kapag nalaman ng sinisiraan, pwede niyang sampahan ng kaso ang naninirang-puri.

Kung minsan, dangal o puri na nga lamang ang mayroon sa isang tao. Sa iba, ang dangal o puri na ito ay kakabit ng kanilang pangalan. Lagi kong sinasabi sa aking mag-aaral na magiging manunulat sa hinaharap na alagaan nila ang kanilang dangal. Patibayin ang integridad dahil baka may patagong gusto sumira dahil sa kanilang mabuting ginagawasa lipunan at kapwa.

Pero dahil napapanahon, hindi na lamang ito palihim, may paninirang-puring hayagan na kung gawin. May sa social media, may sa telebisyon, sa radyo o pahayagan.

Panahon ng halalan kaya may mga kandidatong imbes mangampanya hinggil sa nagawa at kaya pa nilang gawin, mas itutuon ang kanilang kampanya sa paninira sa kalaban.

Related Posts

Sanay na tayo dito. Maglalabasan ng baho, magbabatuhan ng putik, ‘ika nga sa ating idyoma o pananalinghaga. Mas madali na ito ngayong panahong laganap ang internet at teknolohiya. Ano ba naman ang gumawa ng meme, video, soundbyte, o kahit larawan na niretoke ng mga aplikasyon? Tapos ipapakalat ng madaling mapaniwala?

Kay dali nang magpakalat ng mali o huwad na balita lalo’t maraming tamad magsuri kaya maniniwala agad. Sa dami ng naniniwala, mistulang totoo hanggang malunod ang tinig ng sinisiraan. Wala nang mapakinggan. Hindi na alam ang tama.

Lamang na lamang na sa laban ang malakas at malikhain sa paninira. Sa dami nga naman ng naniniwala, baka ang paninira ay pagsasabi na ng totoo. Sino ba ang makapagsasabi?

Kaya ang lagi kong panawagan, magsuri. Huwag basta-basta maniniwala sa sabi-sabi kahit pa ito ay nagmula sa prominenteng tao, lalo na iyong may kasaysayan ngpanloloko. Lalo ngayong panahong ang karamihan sa pulitiko ay may motibong mahalal. At para makamit ang layunin, kailangang siraan ang kaniyang kalaban.

Suriing mabuti ang salita, larawan, video. Magsaliksik. Madali namang maghanap ng mapagkakatiwalaang links sa internet. Magbasa rin kayo ng mapagkakatiwalaang aklat. Kung walang access sa aklat, piliing mabuti ang opinyon ng iba. May sapat ba silang kaalaman? Mapagkakatiwalaan? May integridad ba o dangal?

Ngayong araw na ito, hinihikayat ko kayong magsuri. Huwag maniwala kaagad sa pintas at puna lalo iyong pinalaganap ng mga walang dangal ni pangalan para panindigan ang kanilang paninira.

Leave A Reply

Your email address will not be published.