Una sa Balita

Sinupalpal sa ‘writ’!

By
0 3

Nanindigan kahapon ang apat na senador na hindi maaaring isangkalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malalang problema ng iligal na droga para suspindehin ang writ of habeas corpus.

Ipinaliwanag nina Sens. Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Leila de Lima na dalawa lang ang basehan para masuspinde ang writ of habeas corpus- kung may rebelyon o invasion sa bansa.

Ayon kay Pangilinan, dating kinatawan sa Judicial and Bar Council (JBC), hindi maaaring gamitin ng Pa­ngulo ang rebelyon sa Mindanao dahil sa umuusad na ang peace process sa CPP/NPA/NDF gayundin sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

“Wala rin invasion liban na lang kung sasabihin natin na ang pagsakop ng China sa Scarborough Shoal ay sapat na invasion upang suspindehin ang nasabing privilege of the writ. Mukhang hindi din naman ganito ang sitwasyon sa ating China dispute,” paliwanag ni Pangilinan.

Nagbabala tuloy ang senador na maaaring dalhin sa Supreme Court (SC) ang usaping ito kung tototohanin ng Pangulo ang pagdeklara ng suspensyon ng writ sa giyera kontra iligal na droga.

“Sa ilalim ng Article III Section 15 (ng Konstitusyon) wala ang criminal lawlessness o drug menace bilang dahilan upang suspindehin ang nasabing privilege of the writ of habeas corpus. Kontra ito sa Saligang Batas,” diin ni Pangilinan na nagsabi pang joke lang sana ang naging pahayag ng Pangulo dito.

Ang pahayag ni Pangilinan ay kinampihan ng kasama nito sa Liberal Party na si Sen. De Lima.

“As I have repeatedly said there is no compelling reason(s) to suspend the privilege of the writ of habeas corpus because there is no perceived or actual threat of rebellion and invasion, which are the only cases allowed by our Constitution to justify the writ’s suspension. The government’s so-called ‘war on drugs’ does not fall into the category of either rebellion or much less, invasion,” giit ni De Lima.

Dapat aniyang tigilan na ng Pa­ngulo ang paglalaro sa ideyang ito dahil magreresulta ito ng mas mara­ming dugong dadanak, mayuyurakang dignidad at sangkaterbang paglabag sa karapatang pantao.

Naglabas ng kahintulad na statement ang LP sa usapin ng suspension.

Ito ang pinagsamang statement nina Sens. Pangilinan, De Lima, Paolo Benigno Aquino at Franklin Drilon.

“We see no basis for the suspension of the Filipino’s privilege of the writ of habeas corpus and we shall remain committed to upholding the sacred constitutional safeguards to the rights of the Filipino people,” diin ng LP senators.