Una sa Balita

Sinumpaang tungkulin

By
0 16

Malayo pa ang lalakbayin ng ating bansa bago nito masumpungan ang mga lider na may tunay na malasakit sa bayan at mamamayan.

Bakit? Dahil naging bukambibig na lang nating mga Pilipino ang mga salitang “dapat kasi pinag-aaralan at kinikilala muna natin ang mga kandidatong dapat iboto, hindi yung nagpapadala agad tayo sa mga matamis na pangako, yun pala naman ay mapapako.”

Mahalagang mabuksan ang ating isipan, at malugod nating tanggapin ang katotohanan na kahit gaano man natin sabihin na tayo ay matalino at mapanuri sa pagboto habang nagkukwentuhan, sa araw ng eleksyon mas malamang pa din na mangibabaw sa atin ang popularidad at mga nasambit na pa­ngako ng mga kandidato kaysa sa sinasabi nating matalinong pagpili ng mga taong may kaka­yanang mamuno.

Madalas, dala ng kahirapan, ang iba sa atin ay isinasalalay na lang ang kinabukasan sa pag-asang matutupad din ang mga pangakong napakinggan, o dala ng takot at kahinaan, sumasandal na lang sa tapang ng pananalita ng mga nagsasabing taga-pagtanggol natin. Hindi lider ang hinahanap natin. Ang hinahangad natin ay tagapagligtas.

Narinig ba ninyo ang mga pangakong tatapusin ang droga at krimen sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan? Nadinig ba ninyo ang pagtayo ng bandila sa West Philippine Sea bilang pagtindig laban sa China?

Nadinig ba ninyo ang hamon sa pagpirma ng waiver ng bank accounts para mala­man ng tao kung sino ang kandidatong tiwali at hindi mapagkakatiwalaan?

Kung hindi, mabuti naman kasi hindi kayo napaasa sa pangako na maaari na natin sabihin na ngayon ay napako na naman.

Mahalaga ding pagtuunan ng pansin ang mga salitang binibigkas ng ating lider kung ito ba ay alinsunod sa kanyang sinumpaang tungkulin.

Una, “I do solemnly swear that I will faithfully and conscientiously fulfill my duties as the President of the Philippines.” Ayon sa Saligang Batas, polisiya ng estado ang panatilihin ang katapatan at integridad ng serbisyo publiko.

Sa puntong ito, bilang Pangulo at puno ng serbisyo publiko ng estado, ang pag-anunsiyo ng imbentong bank accounts laban at upang makapanira lang ng isang kritiko ay katapatan pa din ba sa sinumpaang tungkulin?

Pangalawa, “preserve and defend its constitution.” Ang tahasang pagsasabi na ang “Constitution is just a piece of paper” ay nagpapatibay ba sa pagganap sa tungkulin?

Pangatlo, “Execute its laws.” Ang pananakot o paninindak po ba katulad ng “Magdasal ka, pag nagka-leche-leche ang Pilipinas, uunahin kita” ay hindi paglabag sa batas?

Pang-apat, “Do justice to every man.” Kaya ba “kung ayaw lumaban, bigyan ng baril, palabanin” ay hustisya na din sa inyong pananaw sa kasalukuyan?

Panlima, “consecrate myself to the service of the Nation,” pero biglang bitiw na “hindi ako pipirma. Hindi ako magbibigay ng ebidensiya.”

Tunay na serbisyo bang matatawag ang hindi pagkilala sa malayang pamamalakad ng mga institusyong itinatag ng ating Saligang Batas, maging ang pananakot at pagsisinungaling sa taong bayan?

At meron pa tayong nadinig na “So help me God” kasunod naman ng pagsambit ng “kahit ang Diyos iiyak.”

Ang pangako ay hindi lang sa panahon ng kampanya, mas importante na tuparin ito kapag nanalo na. Dahil kung hindi, panlilinlang ang tawag doon

***

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo Twitter: @AlejanoGary