Una sa Balita

Sino si Roy Cimatu?

By
0 93

Si retired General Roy Cimatu ang in-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang kahalili ni Gina Lopez.

Itong Miyerkules ginanap ang Turn-Over Ceremony sa DENR Social Hall kung saan pormal na ipinasa ni Lopez ang symbolic DENR flag kay Secretary Cimatu.

DENR Secretary Roy Cimatu (Malacañan Photo)

Sino nga ba si Cimatu?

Ipinanganak noong July 4, 1946 at tubong Bangui, Ilocos Norte, si Cimatu ay ikalawa sa tatlong anak nina Fidel Cimatu Sr. at Clara Agullana.

Nag-aral si Cimatu sa Bangui Elementary School at Bangui National High School. Sophomore noon na kumukuha ng pre-engineering courses sa National University nang siya ay pumasok sa Philippine Military Academy (PMA).

Ang Turn-Over Ceremony sa DENR Social Hall itong Miyerkules, May 10, 2017 kunsaan pormal na ipinasa ni outgoing Secretary Gina Lopez ang symbolic DENR flag kay Secretary Roy Cimatu. (Paez Lopez)

Sinong mag-aakala na si Cimatu at dalawang kapatid nitong lalaki ay napagtapos sa PMA ng kanilang mga magulang na public schoolteachers noon sa Bangui Elementary School?

Nagtapos si Cimatu sa PMA noong 1970 kunsaan nakapagtapos din mula sa Infantry Officers Advanced Course sa Philippines Army Training Command kung saan nag-top ito sa kurso na may rating na 97.27%, isang academic record na ‘di pa natitinag sa college history.

Isa ring piloto si Cimatu ng helicopter at ng fixed-wing aircraft at na-train sa US Army Command and Staff College sa Fort Leavenworth, Kansas, USA. Naging recipient din ng Cavalier Award mula sa PMA Alumni Association at isang Hall of Famer mula sa United States Command and General Staff college.

Ang noo’y Air Force Capt. na si Bayani Flores ay dating military at commercial helicopter pilot ay tiyuhin ni Cimatu.

Hindi pa nakuntento, nag-aral pa si Cimatu at may degree itong Master in Business Administration mula sa Ateneo Graduate School of Business.

Sa kanyang karera, una siyang sumabak sa pakikipaglaban noon sa Mindanao. Dito umangat ang kanyang ranggo mula army platoon leader hangang hiranging brigade commander.

Sa PMA Magiting Class 1970 naging mistah niya sina dating military at police generals na sina Romeo Acop, Edgard Calvo, Hermogenes Ebdane, Rufo de Veyra, Rodolfo Garcia, Guillermo Parayno at Irwin Ver (anak ni dating Gen. Fabian Ver, na naging AFP chief of staff sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos).

Kilala si Cimatu sa bansag na “the thinking general”, “smiling face” at “pacman” bilang imahe at husay nito sa kanyang trabaho.

Sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2000, naging hepe siya ng 4th Infantry Division na nakaposte sa Cagayan de Oro.

Naging commander din si Cimatu sa Southcom Infantry Division, at sumunod nito’y naging 29th chief of staff ng Armed Forces of the Philippines mula May 18, 2002 hanggang September 10, 2002. Apat na buwan siya sa puwesto sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Noong June 2002, nakipagsabayan ng puwersa ang hanay ni Southern Command chief Cimatu upang kalabanin ang bandidong Abu Sayyaf at mailigtas ang mga bihag nito. Ito ang panahon kunsaan sinabi noon ni dating Defense Secretary Angelo Reyes na ang rescue operation ay tinawag “successful and not successful” dahil namatay ang dalawa sa bihag na sina American missionary Martin Burnham at Pinay nurse na si Ediborah Yap habang nailigtas naman si Gracia Burnham.

Kabilang si General Cimatu sa 11 appointed chief of staff na nanungkulan lamang ng higit isang taon o mas maiksi pa na itinalaga sa 10-year presidency ni Arroyo.

Ang 11 chief of staff na ito sa pagkasunod-sunod ay sina Diomedio Villanueva (1 taon, 2 buwan), Roy Cimatu, Benjamin Defensor Jr. (2 buwan), Dionisio Santiago (4 na buwan), Narciso Abaya (1 taon, anim na buwan), Efren Abu (10 buwan), Generoso Senga (11 buwan), Hermogenes Esperon (1 taon, 10 buwan), Alexander Yano (1 taon), Victor Ibrado (10 buwan), at Delfin Bangit (3 buwan).

Matapos magretiro sa serbisyo, ipinwesto naman si Cimatu bilang Special Envoy to Middle East sa posisyong “Ambassador” sa ilalim pa rin ng pamamahala ni Arroyo hanggang mag-June 30, 2011.

Ngayong nasa DENR na si Cimatu, siya ang ikalawang retired general na mamumuno rito. Sa ilalim ng Arroyo government, si dating armed forces and defense chief Angelo Reyes ang nakaupo sa nasabing ahensya.