Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sino mas magaling, matalino? Pokwang, Ai-Ai pinagsasabong ng politika

0 171

Ang utak ni Ai-Ai delas Alas ay wala sa talampakan. Kontrolado ng sikat at magaling na komedyana ang kanyang bibig at ang takbo ng kanyang disposisyon.

Hindi siya mahilig kumain ng patola, at kung sakali mang sumagot siya sa mga pagpuna ay piling-pili lang ‘yun, tungkol sa kanyang pamilya.

Minsan pang pinatunayan ni Ai-Ai na iba siya sa iba ay nang patambis na ipinost ng manager na si Audie Gemora na mas matalino pala si Pokwang kesa sa kanya.

Magaling kumilatis ng mga salita si Ai-Ai, alam niya na himig-politika ang pagpaparinig sa kanya ng manager, magkaiba kasi ang kulay nila sa politika.

Cool na cool ang pahayag ni Ai-Ai na ang politika ay panandalian lamang pero ang pagkakaibigan ay pangmatagalan. Kung sa palagay ni Audie Gemora ay mas nakakaaliw at mas matalino si Pokwang kesa sa kanya ay walang problema.

Nasa demokrasya tayo, sinuman ang kumampi kahit kanino ay kalayaan ang tawag du’n, kung paanong sana’y respetuhin din ang kanyang opinyon at pananaw.

Walang problema kina Ai-Ai at Pokwang, maayos silang nagtatrabaho na wala sa kanilang isip ang kung sino ang mas mahusay sa kanilang dalawa, may kanya-kanyang atake ang kanilang pagkokomedya.

Ibang tao lang naman ang naglalagay ng kumpetisyon sa dalawa, ‘yung mga taong sarado ang utak, ‘yung kapag hindi nila kakampi sa politika ang artista ay kalaban na ang turing nila.

At tama si Ai-Ai, pagkatapos ng botohan sa Mayo 9 ay balik na naman sa kanormalan ang takbo ng kanilang buhay, wala nang kulay-politika at balik-trabaho na sila uli, na parang walang pagkokontrahang naganap.

Sila-sila pa rin ang magkakasama sa isang malaking payong ng industriya, magkikita-kita pa rin sila, kaya nakapanghihinayang ang pagkakataong nagamit sa pag-aaway nang dahil lang sa politika.

At kailangang tanggap natin ang katotohanan na isang pangulo lang ang uupo sa Palasyo, hindi puwedeng dalawa, kaya siguradong may tutumba sa umiinit na labanan sa panguluhan.

Ping hindi nambastos ng kalaban

Labing-apat na araw na lang mula ngayon ay gaganapin na ang botohan. Parang mga pusa nang hindi maihi ang mga tumatakbo sa iba-ibang posisyon, paikut-ikot na ang mga paru-paro sa palibot ng kanilang puso, matindi na ang kanilang nerbiyos at tensiyon.

Habang papalapit na ang botohan ay madadagdagan pa ang init, magiging barubalan na ang labanan, asahan na nating ang lilihis sa kagandahang-asal ay magmumula sa mga nasa ibaba ng survey ang posisyon.

Sa kanilang lahat na may kababaan ang bilang sa survey ay si Senador Ping Lacson ang kailanman ay hindi naninira at nambabastos sa kanyang mga kalaban.

Ibang-iba talaga ang edukado at ginagamit ang kanyang katalinuhan sa makabuluhang paraan. Sinasabi lang ng mambabatas ang kanyang mga opinyon, sinasagot lang nito ang mga ibinabatong tanong sa kanya, pero hindi nangmemenos ng kalaban si Senador Ping.

Nag-aagawan naman sa pagiging pikon sa laban sina Mayor Isko Moreno at Senador Manny Pacquiao. Puro pag-upak sa kanilang mga katunggali sa panguluhan ang ibinibuga ng kanilang bibig.

Nakasentro si Pacman sa isyu ng nakawan sa kaban ng bayan, huwag daw nating iboboto ang magnanakaw, nakakaumay nang panawagan ng Pambansang Kamao.

Mas matindi ang mga salitang binibitiwan ni Mayor Isko Moreno, walang sakdal-linis para sa kanya kundi ang kanyang sarili lang, kahit galing daw siya sa basurahan.

Maraming umaangal sa pagdidiin niya kay VP Leni Robredo, kalalaking tao ng politikong ito, pero grabeng pumatol sa babae?

Hindi nakikinig si Mayor Isko sa kanyang mga political advisers, matigas ang kanyang ulo, kung anu-anong basurang termino ang nagmumula sa kanyang bibig.

Parehong Lotlot & Friends ang dalawang ito. Mabibigo sila. Kaya isa lang ang maisisigaw ng ating mga kababayan, “Mabuhay si Ka Leody!”

Leave A Reply

Your email address will not be published.