Una sa Balita

Sino ang tunay na #1? Coco, Jessica pinagsabong

By
0 3,035

Pumalag ang kampo ni Coco Martin dahil sa ibinalita ng GMA 7 na ‘Kapuso Mo, Jessic­a Soho’ ang tunay na number one show noong Hunyo. Hindi nga pumayag ang mga maka-Coco na loyal sa teleserye nitong ‘FPJ’s Ang P­robinsyano’.

“Marami ang natawa nang ipagkalat ng GMA na ang Kapuso Mo, Jessica Soho ang number one show noong Hunyo. Kapag tiningnan nang maayos ang datos ng NUTAM People Ratings ng AGB Nielsen, para lamang ito sa huling linggo na June 25 hanggang July 1. Kung tutuusin, 16.1% ang ‘KMJS’ na kakaunti lang ang lamang sa 15.5% ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’,” sabi ng mga maka-Coco.

Hindi nga raw dapat ipagyabang ito.

“Kawawa naman ang GMA, isang araw o isang gabi lang na manalo ang isang programa nila, agad na sasabihin nilang panalo ito. Sabagay, hindi naman ito bago at marami na ang sanay sa strategy na ito ng Kapuso.

“Hindi naman namin masisisi ang GMA, pero sana naman ay maging makatotohanan sila sa pag­hahatid ng ganitong uri ng impormasyon sa publiko.

“Kung hindi naman tayo titingin sa ratings at ibabase lang natin sa usap-usapan at ingay, walang kaduda-dudang ang teleserye ni Coco Martin ang naghahari sa buong bansa.

“Nakakatuwa rin na kahit saang carinderia, pagupitan, at tindahan ka pumunta, hindi mo maaabala mula sa panonood ang mga tao dahil tutok na tutok sila sa mga eksena. Mapa-Facebook, Twitter, o Instagram din, makakakita ka ng mukha ni Cardo na ginawang meme.

“Napatunayan din naming hindi lang mga nanay, tatay, lolo, at lola ang nanonood kay Cardo dahil kahit mga bata, apektado pala sa mga nangyayari sa bida.

“Nitong linggo lang, ang daming kumalat na videos online kung saan umiiyak ang mga bata dahil akala nila, mamamatay na si Cardo matapos barilin ni Marco (JC Santos).

“Syempre, ang totoong patunay sa pagiging numero uno ng ‘FPJAP’ ay ang halos gabi-gabi nitong pagpalo sa national TV rating na 40% sa Kantar Media sa parehong urban at rural homes. Magtatatlong taon na, wala pa ring nakakatalo sa show ni Cardo!” ang dire-diretsong chicka ng mga nagmamahal kay Coco.

Ay, biglang-bigla sina Coco, Jessica na ang pinagsasabong, ha!