Una sa Balita

Sino ang totoong minorya sa Kamara?

By
0 415

Natapos na ang agawan sa pinakamataas na posisyon sa House of Representatives at pormal nang nahirang si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang house speaker kapalit ni Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Pero napunta ang isyu ngayon sa minorya at maraming grupo ang nag-aagawan dito.

Si Quezon Rep. Danilo Suarez, iginigiit na mananatili siya bilang minority leader kahit pa siya’y sumuporta at bumoto kay Speaker Arroyo.

Pero ayon sa ilang mambabatas, dapat awtomatikong iniwan na ni Cong. Suarez ang pagiging lider ng minor­ya at mapunta na ito sa mayorya.

Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, ang Liberal Party ang dapat na manguna sa minorya na nakabatay umano sa rules kapag nag-abstain o bumoto ng kontra tulad ng kanilang ginawa.

Sa kabilang banda, nais umanong kunin ng grupo ng pinatalsik na dating House Speaker Alvarez ang pamumuno sa minor­ya at ang kanilang kinatawan ay si Ilocos Rep. Rodolfo Fariñas na dating ­majority floor leader.

Kung magsisilbing minorya ang grupo ni Alvarez, katumbas ito ng pagkawasak ng ruling party PDP na partido ni Pangulong Duterte.

Kaya naman marami ang naguguluhan kung sino ba ang totoo at karapat-dapat na ­minorya sa Kamara.

Kung si Cong. Sua­rez, mukhang hindi ku­walipikado dahil boto ito kay Speaker GMA na ang ibig sabihin ay kakampi na ang lider ng Kamara kung kaya’t parang nakakalito kung papaano ito mamumuno sa minorya.

Parang ang pinaka malapit na kuwalipikado ay si Cong. Quimbo dahil ang LP ay kilalang oposisyon ngayon at minorya sa Kamara tulad ng sa Senado.

Kaya naman may naaamoy tayong malansa kung bakit ang mga kaalyadong ­administrasyong Duterte ay hawak na ang mayorya, pero gusto rin kunin ang minorya. Abangan natin ang mga hinalang may maitim na balakin dito.