Una sa Balita

Sino ang susunod nating pangulo?

0 874

Kagaya ng pagdiriwang ng kapaskuhan sa ating bansa — na nagsisimula ng Setyembre 1 — na karaniwang inilalarawan na isa sa mga pinakamahaba sa buong mundo, ang mga eleksyon natin ay isang kaganapan na matagal na pinaghahandaan, malimit ay palihim sa simula.

Ang haba ng pagha­handa ay nakadepende sa posisyong tatakbuhan. Mas mababa ang posisyon, mas maliit na bilang ng mga botante and kailangan, at samakatuwid, mas maiksing panahon ang kailangan. Ang pagka-Pangulo ng bansa ang pinakamataas na posis­yon na sumasailalim sa eleksyon. Kaya ang mga nag-aambisyon nito ay gumugugol ng mahabang panahon — at pera — para maisakatuparan nila ang kanilang pangarap. Ang iba, mula sa maagang edad nagpaplano na, lalo na ang mga galing sa pamilyang pampolitika.

Karaniwan ay sinisimulan nila ito sa kolehiyo — mula sa pagpili ng kurso, unibersidad, at ma­ging mga kakaibiganin. Meron din naman na nagsisimula ng anim na taon bago ang susunod na eleksyon. Sa mada­ling salita, nag-uumpisa sila sa pagkakahalal ng Pangulo na inaasahan nilang papalitan pagdating ng oras.

Ngayon, meron na lamang dalawa’t kalaha­ting taon bago matapos ang panunungkulan ni Duterte, ayon sa umiiral na saligang batas ng Pilipinas. Aasahan natin na marami-rami na ang magpaparamdam ukol sa kanilang intensyong maging Pa­ngulo. Ngunit sila ay magpaparamdam lang muna at hindi tuwirang magdedeklara ng kanilang pagkakandidato. Ito ang nakagawian na base sa karanasang pampolitika.

Una, hindi maaaring mangampanya ang mga kandidato sa labas ng panahong itinatakda ng batas na tatlong buwan. Maaaring nagtataka kayo kung bakit walang nakakasuhan dito bagama’t talamak ang ganitong kasanayan.

Iniikutan nila ang batas base sa pangangatwiran na wala namang sinasabing iboto or ‘vote’ sa kanilang mga poster o sa kanilang mga talumpati. Isa pa, nakakalusot sila sapagkat ibinabawal ang panga­ngampanya nang maaga sa mga kandidato ngunit hindi pa naman sila kandidato dahil hindi pa sila nakapag-pasa ng aplikasyon ng pagkakandidato.

Pangalawa, may ka­sabihan tayo na ang punong hitik sa bunga ang pinupukol. Ang mga kandidatong lantad na ang intensyon ay una ring pupukulin ng batikos at maaaring ma­ging pakay ng maru­ming laro sa politika.

May mga tao na na alam nating gustong kumandidato. Sa Wikipedia, may nakalista ng 16 na mga pangalan. Ang listahang ito ay madadagdagan simula ngayong kapaskuhan at higit na marami sa taong 2020. Kanya-kanya na silang pustura upang mapansin ng mga botante. Merong mga taong dadalas ang pagbiyahe sa mga probinsya. Merong mga makikiangkas sa iba’t ibang patalastas ng pamahalaan. Ang pinakamainit na round, kumbaga sa boksing, ay sa 2021.

Ang pinakamahalaga pa rin ay sino-sino ang mga maaaring maging susunod na Pangulo. Dapat nating tandaan na ang kakayahan ay iba sa kagustuhan.

Dapat din nating suriin ang intensyon sa pagnanais maging Pangulo. May mga taong may kakayahan ngunit ginamit ito sa masama o maling pagpapatakbo. Kasabay ng lihim na pangangampanya ng mga gustong ma­ging Pangulo, sana ay sabayan natin ng pag-usisa sa kanilang pagkatao, kasama na ang rekord nila ng pagse­serbisyo, katapatan (o katiwalian), interes sa negosyo, at iba pa.

Lagi na lang nating naririnig na ang pagpili ng iboboto ay nakasalalay sa tinatawag na lesser evil, o pinaka-konti ang kasalanan o magiging kasalanan. Maganda siguro at napapanahon nang pipili tayo base sa kung sino ang pinakamahusay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy