Una sa Balita

Sino ang natatakot sa UNHRC?

0 326

Maraming angal ang ating nari­nig sa mga kinatawan ng Pilipinas sa United Nations (UN) matapos aprubahan ng UN Human Rights Council (UNHRC) ang resolusyon na inihain ng Iceland para atasan ang High Commissioner on Human Rights, si Michelle Bachelet, na gumawa ng komprehensibong ulat tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Pumasa ang nasabing reso­lusyon sa botong 18-14, na may 15 na bansang bumoto ng abstain.

Maaaring lingid sa kaalaman ng marami nating kababayan, aktibong nakilahok ang ating mga kinatawan sa naging botohan sa UNHRC tungkol sa reso­lusyong ito. Malaya silang umikot at nagsikap mangumbinsi ng mga delegado mula sa ibang bansa na bumoto laban dito. At sa mismong botohan, bahagi ang Pilipinas sa 14 na bansa na bumoto ng ‘No’ sa pagtanggap ng resolusyon.

Nakapagtataka lang na matapos sumali sa isang eleksyon, aktibong kumilos para makuha ang suporta ng iba, at aktuwal na nagbigay ng boto, ay bigla na lang magsasabi na ‘hindi lehitimo’ ang naging proseso at ito’y ‘inabuso’ dahil lang hindi sumasang-ayon sa naging resulta. Para lang nakipaglaro ka sa basketball, nakipagtulakan, nanggulang, pero pagkatapos matalo, iiyak ng ‘dinaya kami’. O baka naman sumusunod lang sa kalakaran ng eleksyon sa ating bansa, na sinasabi nga nila, walang natatalo, lahat dinadaya.

Pero labas sa usapin ng pikon na reaksyon ng mga kinatawan ng Pilipinas sa naging boto, kailangan na­ting itanong: ano nga ba ang implikasyon ng reso­lusyon na ito? Talaga bang panghihimasok ito sa ating kasarinlan bilang bansa? ‘Insulto’ nga ba ito sa ating kakayahan?

Related Posts

Una, kailangan ma­ging malinaw, ang reso­lusyon ay para lamang gumawa ng isang ulat. Wala ditong panghuhusga, wala pa ditong konklusyon. Simpleng pag-aaral at pagsusulat pa lamang ng ulat tungkol sa umiiral na sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas pa lamang ang naging panawagan. Kaya mahirap isipin kung paanong ang simpleng pag-aaral ay na­ging ‘panghihimasok’ o ‘insulto’ sa isang bansa.

Pangalawa, malaki pa ang maaaring maging papel ng pamahalaan natin mismo sa pagtukoy sa magiging laman ng ulat na ito. Sa katotohanan, ang pinakamadaling paraan para matiyak ng ating pamahalaan na magiging wasto at makatotohanan, sa kaniyang pananaw, ang lalamanin ng ulat, ay aktibong makilahok sa paggawa nito. Tulad na rin ng aktibong pakikilahok ng kanyang mga kinatawan sa naging botohan sa UNHRC. Kaya lubos ngang nakapagtataka na simulang-simula pa lang, itinatakwil na ng ating pamahalaan ang buong prosesong ito. Ang pinakamadali at pinakasiguradong paraan para maipalabas ang katotohanan ay maki­pag-ugnayan, ibigay ang tamang datos, at ilahad ang aktuwal na kuwento. Kung wala namang itinatago, bakit natatakot?

Panghuli, hindi na sana umabot sa puntong ito kung, maaga pa lang, seryoso nang inaksyunan ng mga kinauukulan ang mga maling nangyari sa pagsasagawa ng ope­rasyon ng pulis sa ‘drug war’. Pero sa 6,600 mahigit na inulat mismo ng Philippine National Police na napatay sa kurso ng drug war, hanggang ngayon, isang kaso pa lamang ang nahatulan – ang kaso ni Kian Delos Santos, ang binatilyong pinatay ng walang sala sa Caloocan. Isipin natin, sa mahigit na 6,600 na patay – ang marami pa dito mga bata, ang pina­kabago, si Myca Ulpina, isang 3-anyos na napatay sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo 29 – isang kaso pa lang ang nalulutas. Ang sukat ng ating seryosong pag-aksyon sa isyung ito ay ginagawa ang imbestigasyon, sinasampa ang kaso, at binababaan ng hatol ang nagkasala. Nangyayari ba ‘yan ngayon?

Simple lang naman ang usapang ito sa huli. Kung talagang naniniwala ang ating pamahalaan na maayos ang pagsasagawa ng drug war, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya para mabigyan ng hustisya ang ilang mga inosente na nagiging biktima, buksan natin ang ating mga pinto at ipakita na wala tayong kailangang itago. Sabi nga nila, ang umiiwas, guilty.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy