Una sa Balita

Sino ang gusto umutang? 1 percent lang ang interes

By
0 583

Desidido si Presidente na pabagsakin ang 5-6 o­peration sa bansa. Ano ba ito? Ito ‘yung mga grupo ng tao na nagpapautang sa mga maliliit na tindero na ang tubo ay bente porsyento kada buwan. Sobrang taas. Sobra lang talaga. Kung susumahin mo, ang isang libong piso ay halos triple ang balik sa iyo pagkatapos ng isang taon. Masyadong mataas… parang hindi na makatao. Parang may mali sa sistema. Ilang dekada na itong namamayagpag… pinabayaan lang ng gobyerno.

Lahat naman tayo nangarap ng maayos na buhay. ‘Yung kahit paano, magaan para sa pamilya… ‘yung nabibigay mo iyong dapat para hindi naman kawawa ang mga bata. Isang negosyo ang 5-6 na pautangan. Bakit ba ito pinapatulan ng mga tao? Kasi wala masyadong mga requirement. Walang madaming papeles. Walang arte sa pagluwal. Mabilis pa ang proseso.

Nagpanukala si Pre­sidente na maglalaan ng isang bilyon para ipangutang sa mga mahihirap na gustong itawid ang kanilang nasimulang negos­yo… andyan ‘yung nagtitinda ng gulay sa palengke, vendor ng mga kakanin at mais, ihaw-ihaw sa kanto at mga tindahan sa tabing kalsada. Maganda ang layunin. Sana maging successful.

Sa akin lang ito, kung gusto nating magtagumpay itong programa ng gobyerno, dapat madali ang proseso. Dapat wala masyadong papeles. Dapat wala masyadong hinihinging requirements. Dapat mabilis ang release. ‘Yan ang ipantatapat natin sa mabilis na pagutang sa mga 5-6 operator. At higit doon, dapat wala na halos tubo… kung talagang gusto natin maramdaman nila ang kamay ng gobyerno.

Kakatawanin natin ang mga barangay official hanggang sa level ng mayor na siyang gagarantiya ng pagbabayad. Gagawa tayo ng sistema na ‘yung character verification, sa barangay natin kukunin. Dapat in 2 hours, mailabas ‘yon. Yung pirma lang nila, sapat na at kasama silang hahabulin pag pumaltos ang basa nila sa mga taong nangungutang. Kilala ng mga barangay ang mga taong na­ngungutang. Alam nila kung may history ito ng pagtakbo. Hindi rin sila basta puwedeng mag-alsaba­lutan. Monitored sila sa lugar. ‘Yung pera ng hinihiram nila, hindi lalagpas sa kwenta ng negosyo nilang pinatatakbo.

Marami pang mga safeguard na sa bandang huli, puwedeng magpadali sa proseso. Kung susumahin mo, ito ang pinaka-short cut sa pagangat sa buhay ng mga taong gusto ng magnegosyo pero walang puhunan… gustong magbanat ng buto pero walang makitang tiyansa. ‘Di kaila­ngan ng mga collateral… ‘di kailangan ng mga papeles. Para kahit ‘di nag-aral, puwedeng mag-avail.

Masarap sa pakiramdam na may Presidente tayong taos ang malasakit sa taumbayan. May puso para sa mahihirap at naiintindihan kung paano talaga natin maiaangat ang buhay ng ating kapwa.
Tara’t simulan na natin.