Una sa Balita

Sinita sa malakas na kanta, nanaksak

By
0 2

Agaw-buhay ngayon ang isang 24-anyos na lalaki matapos na walang habas na pagsasaksakin ng isa ring lalaki na sinita niya dahil sa malakas na pagkanta nito sa videoke sa lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Malabon City Police partikular na nina PO3 Julius Mabasa at P02 Jose Romeo Germinal II, ganap umanong alas-2:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Kings Boro, Brgy. Panghulo ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong birthday ng kapitbahay ng biktimang si Dario Torres, 24-anyos, jeepney driver na dinaluhan ng suspek na si Jinggoy Macosme, 25-anyos, tricycle driver ng Ilang Ilang Street, Brgy. Tanza, lungsod naman ng Navotas.

Ngunit nang ang suspek na ang kumakanta ay bigla na lamang na lumabas ang biktima at sinita ito, doon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa magkasuntukan na ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagsusuntukan ay doon na bumunot ng ice pick ang suspek at walang habas na inundayan ng hindi bababa sa limang beses na saksak ang biktima.

Matapos ang insidente ay agad ding tumakas ang suspek habang mabilis namang naisugod sa Valenzuela City Medical Center ang biktima na ngayon ay nasa kritikal na ring kalagayan, pinaghahanap na rin sa ngayon ang suspek.