Una sa Balita

Sinibak sa SBMA, Diño nasa DILG na!

By
0 1,452

Matapos ang tatlong buwan na pamamahi­nga nang sibakin sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay muling binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng puwesto sa gobyerno si Martin Diño bilang undersecretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pinirmahan ng Pangulo ang appointment ni Diño sa DILG noong Lunes.

Matatandaang sinibak ni Pangulong Duterte si Diño bilang chairman ng SBMA matapos pag-isahin na lamang ang trabaho ng SBMA chairman at administrator na ibinigay kay Wilma Eisma.

Pangangasiwaan ni Diño ang barangay affairs sa ilalim ng DILG.

Naunang inihayag ni Diño na sa sandaling makaupo siya bilang DILG undersecretary ay bibigyan niya ng isang linggo ang lahat ng barangay chairmen sa bansa para i-report ang lahat ng mga drug suspect at mga drug activity sa kanilang nasasakupan kung ayaw ng mga ito na maharap sa suspensiyon o masibak sa puwesto.

Nangako rin si Diño na tutuldukan ang extrajudicial killings sa pamamagitan ng pagtatalaga sa mga opisyal ng barangay para magpatunay na lehitimo ang anti-drug operations ng mga awtoridad sa kanilang komunidad. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy