Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Singson umanib kay Sotto: Pacquiao kakalas sa PDP!

0 92

Kung patuloy na mag-iinit ang gusot sa pagitan nila ni Energy Secretary Alfonso Cusi, may posibilidad umanong iwan ni Senator Manny Pacquiao ang Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) para sumunod kay Narvacan Mayor Luis ‘Chavit’ Singson sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

Ayon sa mga source ng Abante, maaaring isang senyales ang paglipat ni Singson sa kampo ng NPC para tumiwalag si Pacquiao sa PDP kung saan siya ang kasalukuyang presidente habang si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang chairman.

Malaki umano ang impluwensya ni Singson sa buhay at karera ng tinaguriang Pambansang Kamao dahil bukod sa pagiging supporter niya sa lahat ng kanyang mga laban, kabilang din ang dating governor ng Ilocor Sur sa 48 pares ng mga ninong at ninang mula sa politika, militar, showbiz at media sa binyag ng anak niyang si Queen Elizabeth o Quennie.

Magkakalinaw ang isyu kay Pacquiao sa PDP sa national assembly ng Partido sa Hulyo 17 kung saan pinaniniwalaang tuluyan nang maliligwak ayon sa source ng Abante bilang acting president si Pacquiao.

“Malamang tatalon na ‘yan sa NPC next month,”ayon pa sa source ng Abante.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na maayos ang relasyon niya sa mga miyembro ng PDP sa kabila ng pamumulitika umano ni Cusi.

Nagsimulang umusok ang ilong ni Pacquao kay Cusi dahil sa pambabastos umano ng huli sa kanya tulad ng panawagan sa mga ka partido na magdaos ng national assembly ng walang paalam sa kanya.

Ikinairita rin ni Pacquiao ang pagtutulak ni Cusi kay Pangulong Duterte na kumandidato bilang vice president sa 2022 elections.

Sinabi ni Pacquiao na sa halip na mamulitika, mas dapat asikasuhin ni Cusi ang kanyang trabaho sa Department of Energy (DOE) lalo ngayong panahon ng tag-init na nadadalas ang nararanasang brownout sa bansa.

Kahapon ay opisyal na nanumpa si Singson bilang miyembro ng NP.

Kumbinsido si Sotto na dagdag-puwersa si Singson sa kanilang partido upang mapataas ang impluwensya ng NPC para sa eleksiyon sa 2022.

Aniya, “very strong political asset” sa NPC ang alkalde ng Narvacan, Ilocos Sur dahil sa hukbo ng mga supporter nito.

Tiwala rin ang NPC na magiging bentahe sa kanilang partido si Singson dahil ito rin ang kasalukuyang pangulo ng Municipal Mayors League of the Philippines (PMLP). (Mia Billones/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.