Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Single mom nais humingi ng suporta sa ama ng anak na nasa abroad

0 225

Magandang araw, Mga Kakampi!

Alam niyo, saludo ako sa lahat ng single parents.

Ginagawa niyo ang lahat para maitaguyod ang inyong mga anak, kahit wala kayong katuwang sa buhay.

Todo ang inyong pagtatrabaho para maibigay ang lahat ng pangangailangan ng inyong anak. May ilan nga akong kakilala na maliban sa regular na trabaho ay mayroon pang mga sideline.

Kapag tinanong ko sila kung bakit nila ito ginagawa, palagi nilang sagot sa akin “para ito sa anak ko.”

Talaga naman ako’y bilib sa mga single parents. Sabi ko nga sa wikang Ingles, “your love is like no other in the world.”

Kaya naman nalulungkot ako tuwing nakakarinig ako ng single parent na nagkakaroon ng problema, lalo na pagdating sa suporta

Gaya nitong si Jewel ng Cebu, na lumapit sa ating Free Legal Helpdesk para isangguni ang kanyang problema sa ama ng kanyang anak na ayaw magbigay ng sapat na suporta. Ito ang kanyang tanong:

Good morning Atty. Chel. I just want to know ano po ang right ko as a single mother. Gusto ko po sanang mag bigay ng enough na financial child support yung ama ng anak ko na nasa Dubai Atty.

Naririto ang aking sagot, Jewel. Obligasyon po ng ama ng anak niyo ang magbigay ng suporta sa anak ninyo. Mahalagang alalahanin na obligasyon ng ama na magbigay ng support para sa kanyang anak.

Ayon sa Article 194 ng Family Code, kabilang dito ang lahat ng pangangailangan tulad ng tirahan, damit, medikal na tugon, pag-aaral, at transportasyon. Maaaring ipaalala sa iyong ama na obligasyon niya ito sa ilalim ng batas.

Puwede namang balansehin ang halaga ng suporta base sa pangangailangan ninyo at ng kanyang kakayahang magbigay. Puwede magkasundo sa regular na halaga na kaya niyang ibigay (halimbawa, buwan-buwan).

Sa ganang ito, mas mainam na mapagkasunduan sa halaga na kayang ibigay na regular na support para sa inyong pamilya. Kung hindi ito mapagkakasunduan, maaaring magsampa ng naaakmang kaso o petisyon sa korte upang matalakay ang isyu ng suporta.

Kung kinakailangan, maaari kayo magsampa ng kaso para sa economic abuse batay sa R.A. No. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act.

Ayon sa batas na ito, economic abuse ang tawag sa mga gawain kung ang ama ay sadyang ginagawang financially dependent ang kanyang kinakasama o dating kinakasama sa kanya, tulad ng pagbabawi ng financial support at pagkakait ng financial resources.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.