Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sindikato kakalusin sa gobyerno! Lacson-Sotto walang iwanan

0 226

Serbisyong kahit minsan ay hindi tumanggap ng suhol.

Ito ang pambungad na pananalita ni Partido Reporma standard bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang talumpati sa Sofitel Tent Area matapos na pormal na maghain ng kandidatura Commission on Elections (Comelec) bilang presidente sa 2022.

Ang naturang pangungusap ay nakapaloob sa makabagong KKK na nangangahulugan ng Kakayahan, Katapatan a Katapangan na dala ni Lacson at ka-tandem na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pag-aalok ng serbisyong maglingkod sa taumbayan bilang presidente at bise presidente.

“Kakayahan, katapatan, katapangan – mga katangiang taglay ng Lacson-Sotto tandem na layuning maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan,” bahagi ng talumpati ni Lacson.

Naiiba ang iniaalok ng Partido Reporma dahil kaakibat nito ang katangiang mahirap mahanap sa ibang nagnanais na maging pinuno ng bansa kung ang armas na gagamitin nito ang pagbabatayan.

“Kahit minsan ay hindi tumanggap ng suhol kapalit ng serbisyo publiko—nananatiling walang bahid ng korapsiyon ang siya naming gagamiting pinakamabisang armas upang buwagin ang mga sindikato sa loob at labas ng gobyerno,” ayon kay Lacson.

Mamumuhunan din aniya sila sa pamamagitan ng isang gobyernong kakikitaan ng wastong disiplina sa hangaring umani ng repormadong pamahalaan at bayan.

“Kung ipagkakaloob ng Diyos na ang Lacson-Sotto tandem ang mapipiling mamuno, isang disiplinadong burukrasya ang paiiralin – kabilang na ang maayos na paggastos ng pambansang badyet upang makaabot ang biyaya at kaunlaran sa mga liblib na lugar sa bansa. Marapat lamang na mauna ang kapakanan nating mga Pilipino,” dagdag ni Lacson.

At bilang huling yugto ng paglilingkod sa pamahalaan, ipinaabot ni Lacson sa publiko ang mensaheng ang kasalatan sa yaman ay hindi hadlang upang makatulong sa kapwa o mga kapos-palad.

“Taos-puso kong iniaalay ang huling yugto ng aking paglilingkod sa ating Inang Bayan, sa aking mga namayapang magulang na siyang nagmulat at gumabay sa aming magkakapatid—na kahit kapos sa yaman at salat sa buhay, ang tuwinang tagubilin nila ay hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga kapos-palad” ayon pa kay Lacson.

“Ang tama ay ipaglalaban, ang mali ay lalabanan – isang personal na kredo na aking sinusunod na pamantayan sa mahabang panahon ng aking panunungkulan bilang sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, alagad ng batas at hepe ng Pambansang Pulisya, presidential assistant ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at senador ng republika,” pagbabalik-tanaw pa ng mambabatas sa mga unang yugto ng kanyang paglilingkod sa gobyerno.

Mensahe pa ni Lacson sa mga nawawalan na ng tiwala at respeto sa pamahalaan ang mga katagang “panahon na upang maipanumbalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pilipino sa loob at labas ng ating bansa.”

“Kapag ang namumuno ay matinod at nirerepeto, panalo ang pangkaraniwang Pilipino!” pagtatapos ng Partido Reporma standard bearer. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.