Una sa Balita

‘Sinaunang Pilipinas’

By
0 618

Ang kamakailan lamang na pagkatuklas ng mga buto ng rhinoceros at mga kagamitang bato sa Cagayan Valley ay nagbukas ng napakara­ming posibilidad para sa ating kasaysayan bilang tao. Hindi lamang nito maapektuhan ang ating nakaraan ngunit pati na rin ang ating kultura at kasaysayan.

Ilang taon na ang nakaraan, ako ay masu­werteng nakabisita sa Elephant Hill sa probinsiya ng Kalinga kung saan nakalagak ang mga fossil ng mga naunang rhino­ceros, elepante at buwaya na nahukay mula sa lugar na ito noong Agosto ng nakaraang taon. Dahil sa bagong pagtuklas ng archaeological reserve site na ito sa hilagang Pilipinas, maaasahan na­ting magkakaroon nang mas malaking atensiyon ang publiko sa mga posible pang yamang nakabaon sa ilalim ng kalupaan. Sana lamang ay ma­ging responsable tayo sa pagtuklas ng mga mahahalagang piraso ng ating kasaysayan.

Ayon sa grupo ng mga mananaliksik at geologist na nagsagawa ng nasabing pag-aaral at nakatuklas sa mga fossil, ang mga kagamitang batong natagpuan sa naturang site ay nagpapatunay na ang mga sinaunang tao ay namuhay at nakatungtong sa kalupaan ng Pilipinas higit 700,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga natuklasang buto ng rhinoceros ay nagpapahiwatig din na ang mga ito ay maaaring kinatay gamit ang mga batong kagamitang natuklasan din mula sa nasabing site. Ang mga sinaunang tao na gumamit ng mga kagamitang ito ay siyang ating mga ninuno.

Ang mga ebidensiyang ito ng mga sinaunang tao sa Pilipinas ay ang simula pa lamang nang mas malalim na pagtuklas at pananaliksik upang matukoy kung ang kalupaan ng Pilipinas ay tunay ngang napuntahan ng mga sinaunang mig­rant noong Pleistocene Age at kung ang ating bansa ay naging tulay sa paglalakbay ng mga sinaunang tao mula sa isang bahagi ng Asya patungo sa iba pa. Ang pagbabalik-tanaw sa mga sinaunang taong ito ay makakatulong sa ating masagot ang napakaraming historical at archaeological na tanong, na nananatiling walang kasagutan hanggang sa panahong ito.

Ang kahalagahan ng mga pagtuklas na ito ay higit pa sa makasaysa­yang kabuluhan. Higit sa pagsasaayos ng mga impormasyon sa ating mga libro ng kasaysayan at siyensya, ang mga bagong pagtuklas na ito sa mga sinaunang tao ay makapagbibigay sa atin nang mas malalim na pag-intindi sa ating pinagmulan bilang isang malikhain at matatag na lahi.