Una sa Balita

Simpleng kampeon Jerwin ‘Pretty Boy’ Ancajas

0 1,058

NAKATAPOS na siguro ng kolehiyo ang ngayo’y 27-anyos na si Jerwin Ancajas kung hindi siya nahilig sa pagboboksing.

Pero walang pinagsisisihan ang International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion dahil malaki naman ang naiambag ng boksing sa kanyang buhay sa kasalukuyan.

Edad walong taon, Grade 2 sa isang mababang paaralan sa Panabo City sa Davao del Norte, nang mabuksan ang kamalayan ni Jerwin sa boksing.

Tinuruan siya ng kanyang Kuya Jesar na dati ring boksingero at unti-unti, na-inlab na ito sa naturang sport – nagsimulang lumaban bilang amateur at nakapagsalansan ng 90-5 win-loss record.

Pagsapit ng 17-anyos, taong 2009, umakyat na sa pro-ranks ang 5-foot-6 slugger and the rest is history ‘ika nga.

Kasalukuyan na itong IBF junior bantamweight kingpin mula Setyembre 2016 at ipino-promote ng MP Promotions ng kanyang idol na si eight-division champion, WBA welterweight titlist Manny Pacquiao.

Nakatakdang magtanggol ng kanyang ­korona si Ancajas (30-1-2, 20KOs) kontra Japanese ­challenger Ryuichi Funai (31-7, 22 KOs) sa Stockton Arena sa Stockton, California sa darating na Mayo 4, 2019 (May 5, Manila time).

Manalo-matalo, ibibigay lahat in Ancajas para makapagbigay muli ng karangalan sa kanyang pamilya at sa bansa.

Napakalaki rin ng pasasalamat ni Jerwin sa kanyang misis na all out support sa kanyang ­napiling karera, habang hindi umano niya pipigilan ang kanyang dalawang anak na lalaki sakaling sundan ang yapak niya bilang magaling na boksingero.

“Kung hindi ko sinubukan mag-professional boxer siguro nag-eeskuwela po ako at nakatapos ng kolehiyo. Siguro nagtatrabaho na po ako now. Maganda na siguro ang buhay namin sa probinsya.”

Q&A

Abante: Bukod sa pagboboksing, ano ‘yung sport na talagang kinakahiligan mo?

Jerwin: Basketball din po katulad ni Senator Manny Pacquiao.

Abante: Kung hindi ka napunta sa mundo ng pagboboksing, ano sa tingin mo ang pinagkaka­abalahan mo ngayon?

Jerwin: Siguro kung hindi ko sinubukan mag-professional boxer siguro nag-eeskuwela po ako at nakatapos ng kolehiyo. Siguro nagtatrabaho na po ako now. Maganda na siguro ang buhay namin sa probinsya.

Abante: Kapag wala kang training or laban, ano ang pangkaraniwang araw ng isang Jerwin Ancajas?

Jerwin: Simple lang po. Pakape-kape lang po sa bahay. Tapos nagba-basketball po.

Abante: Kamusta ang estado ng boksing sa Pilipinas?

Jerwin: Siguro po, sana madagdagan ang suporta ng gobyerno lalo na sa mga boksingero.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy