Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Simpleng diskarte para tipid krudo, gasolina

0 122

Lagpas P90 na presyo ng diesel at gasoline.

Kaya naman kanya-kanyang diskarte na ang mga motorista kung paano makakatipid at matitipid ang mga laman ng mga tangke ng kanilang mga sasakyan para mas malayo ang marating sa badyet panggas na pahirapang inilaan.

Hindi na rin kasi talaga biro ang presyo ng produktong petrolyo lalo na ang krudo dahil maging ang bus sector ay napipilay na rin, katuyan, ayon sa Provincial Bus Operations Association of the Philippines ay nasa 20-30 porsiyento na lamang ang kanilang mga bus na bumibiyhahe.

Pero para sa mga medyo beterano nang nagmamaneho na gaya ko, kahit paano ay mayroon pa rin naming magagawa ang mga motorista para mapatipid pa ang kunsumo ng kanilang mga sasakyan mapa-automatic man o mapa-manual transmission ang kanilang mga sasakyan.

Unahin natin ang manual transmission- Naging ugali na kasi ng karamihan sa atin, lalo sa mga nagmamaneho ng van, AUV at SUV na idiin ang selenyador bago kumambiyo lalo na kapag medyo maluwang ang espasyo sa unahan, karaniwan lamang na pinapaakyat sa tres o tres y media ang rpm bago umapak ng clutch at kumambiyo.

Kung hindi babaguhin ang ganyang ugali, talagang lalaklak ng krudo ang mga sasakyan ninyo dahil pinupuwersa ninyong masyado ang makina para maglabas ng karagdagang lakas, resulta niyan malakas talaga na kunsumo.

Sa aking karanasan bilang nagmamaneho na mula pa noong 1996 at nag-umpisa rin sa manual transmission, ang pinakarelax na rpm ng sasakyan ay dos, mas maganda nga ang kanyang hatak pagpasok ng susunod na kambyo dahil naroon pa ang kanyang buwelo paangat at pinakamaganda nito, hindi mo rinig sa loob ang ingay ng makina.

Ganoon din po halos ang dapat sa automatic transmission, ang kaibahan lamang nito sa manual transmission ay kusa siyang nagpapalit ng kambyo depende sa apak ng driver sa selenyador, mas madiin ang apak siyempre mas matagal yan na magpapalit ng gear na magreresulta sa mas mataas na rpm na mangangailangan ng karagdagang diesel o gasolina.

At gaya ng sa manual transmission, ugaliin din po natin na i-neutral ang ating mga automatic transmission na mga sasakyan kapag tayo ay nasa stoplight o mahabang pila ng mga sasakyan sa trapik para hindi mastress ang makina.

Kaya din pong diskartehan ang mga temperature ng mga aircon ng mga sasakyan kung gusto nating makatipid sa kunsumo.

Kung naka auto-climate control ang mga ito, i-set sa 24 o 25 ang temperature lalo kung lagi naman na nag-iisa lamang na sakay ang drayber.

Sa ganitong setting, kapag naaabot na ng compressor ang target na termperatura sa cabin ay awtomatikong titigil ito sa pagsuplay ng lamig at gagana lamang kapag mas tumaas na sa kailangan niyang imintina.

Ito ang dahilan kung bakit namamatay at gumagana ang mga fan blades na nakadikit sa condenser ng inyong mga aircon na nakalagay sa bandang unahan ng sasakyan kadikit ng radiator.

Ayan po, ilan lamang yan sa mga simpleng tip para mga nais magtipid ng gasolina o diesel sa kanilang mga sasakyan.
Tandaan po natin, hindi pa po tapos ang serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.