Una sa Balita

Simbang Gabi hindi nagsimula sa Pilipinas

0 483

Ngayon, ang simula ng Pasko sa Pi­lipinas ay 1 Set­yembre kapag naririnig na ang “Christmas in Our Hearts” ni José Mari Chan, ang Little Drummer Boy ng Pasko sa Pilipinas. Sabi nga nila, ang atin ang “Pinakamahabang Pasko” na mas mahaba pa sa mismong Advent Season ng Simbahang Katoliko. Pero bago lang naman yan.

Noong bata pa ako, naaalala ko, ang pasko sa Pilipinas ay nagsisimula talaga sa tuwing 16 Disyembre, simula ng Simbang Gabi. Kaya nga may awitin na “Simbang Gabiiii, simula ng Pasko!”

Pero may kailangang liwanagin, akala ng iba, yung Misa de Gallo ay kapareho ng Simbang Gabi. Actually, hindi. Ang Simbang Gabi ay ang siyam na misa bago ang Pasko. Ang Misa de Gallo o ang misa ng manok ay sa madaling araw ng Pasko isinasagawa. Kaya nga sa kanta “Misa de Gallo sa tuwing Pasko.”

Laging sinasabi sa mga trivia noong unang panahon na inimbento ng Santo Papa ang Simbang Gabi para sa mga Pilipino noong Panahon ng mga Espanyol para ang mga magsasaka na gumigising ng mas maaga ay makadalo sa misa. Ibig sabihin, sa atin daw nagsimula ang Simbang Gabi.

Actually, mali. Ang konsepto ng Simbang Gabi ay nagmula sa Espanya noong ika-16 na siglo at tinatawag talaga na “Misa de Aguinaldo” (Tulad sa apelyido ng naging pangulo, ang ibig sabihin nito ay isang regalong pamasko na ibinigay sa araw mismo ng pasko, bagong taon, at araw ng tatlong mago o epiphany). Ayon kay Padre Fidel Villaroel, O.P. sa kanyang papel na pinamagatang “The Aguinaldo Masses: ­Origins, Setbacks and Survival,” ang mga misang ito, ay wala sa regular na misa kundi misa para sa espesyal na okasyon o intensyon, o “votive masses” para kay Sta. Maria, ang Ina ng ating Panginoong Hesukristo. At dahil siyam na araw itong ginagawa, maituturing din itong isang uri ng nobena, o
novemdiales, nine days. Ayon kay Luis Antonio Cardinal Tagle, simbolo rin ang siyam na araw sa pagsama natin sa bawat buwan ng ­pagbubuntis ng Inang Maria kay ­Hesus. Pasasalamat ito sa Diyos sa regalong kaligtasan ni Hesus at sa buhay ng kanyang ina.

Ayon sa Heswitang si Padre Pedro Murillo Velarde sa kanyang aklat na Cursus Juris Canonici Hispanici et Indici, nagbigay ng plenaryang indulhensya sa mga dumadalo sa mga misang tinatawag na Misa de Aguinaldo si Papa Sixtus V noong 1585. Ibig sabihin matagal na itong popular sa Espanya. Dahil sa kolonyalismo, nadala nila ito sa Mexico at siyempre sa Pilipinas.

Nagkamali tayo kasi sinulat ni Padre Francisco Ignacio Alcina, na wala raw Misa de Aguinaldo sa Espanya. Marahil hindi lamang niya nakita ito sa pinagmulan niyang Zaragoza. Anuman ang Simbang Gabi ngayon ay inangkin na ng mga Pilipino at sing-Pilipino na rin ng puto bumbong at bibingka.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More