Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Simbahan pinuri mga alkalde kontra sa quarry

0 119

Pinuri ng Simbahang Katolika ang mga alkalde sa Metro Manila na sumusuporta sa kanselasyon ng mga kasunduan sa quarrying sa Upper Marikina Watershed at Masungi Geopark Project sa Rizal.

Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, kahanga-hanga ang paninindigan nina Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, Marikina Mayor Marcy Teodoro, Pasig Mayor Vico Sotto at ang pinakahuling sumuporta sa panawagan na si Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil sa peligro sa kalikasan ng hindi pagkansela ng DENR sa tatlong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na sumasaklaw sa protektadong watershed.

Ikinabahala ng mga alkalde ang umano’y pagtulog ng DENR sa pagkansela ng mga MPSA na nakatakdang mapaso sa 2023 at 2024. Wala ring pagtiyak ang DENR na hindi aalisin ang suspensiyon o hindi nito papayagang ma-renew ang kontrata sa mga ito.

Nakiisa ang mga alkalde sa panawagan ng mga eksperto, katutubo at civil society groups na makialam na si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi kinansela at sinuspinde lang ni DENR acting Secretary Jim Sampulna ang mga nasabing MPSA. Iginiit nila na ilegal ang quarry sa mga lugar sa bansa na idineklarang protektado.

Matatandaang nangako ang dating DENR secretary noong 2020 na kakanselahin na ang mga quarry agreements pero hindi ito natupad. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.