Una sa Balita

Simbahan at vulnerabilidad

0 322

Hindi lamang mga sikat na tao ang maaaring pag-aralan sa kasaysayan, mayroon ding tinatawag na social history o kasaysayang panlipunan. Dito pinag-aaralan ang pagharap ng mga mamamayan sa partikular na hamon ng kanilang panahon. Kabilang dito ang mga hazard tulad ng mga lindol o mga pana­nalanta ng mga peste, at ang direktang epekto nito sa tao, ang disaster. Tinitingnan din ang vulnerabilidad o ang pagi­ging lantad sa panganib ng mga tao.

Sa mga taong nakatira na sa kalunsuran, hindi na natin gaanong nararanasan kung gaano katinding peste ang mga insektong ba­lang kapag sumalakay nang maramihan sa mga pananim. Kapag sumalakay ang mga ito, nagdidilim ang paligid sa dami at naglulupasay na lamang ang magsasaka dahil wala na siyang magagawa. Ang itinanim na maaaring inutang pa sa bangko ay mapupunta sa wala.

Noong Disyembre, inilathala ang aklat ng tagapangulo ng DLSU History Department na si Dr. Ma. Florina Orillos-Juan na pinamagatang “Kasaysayan at Vulnerabilidad: Ang Lipunang Pilipino sa Harap ng Pana­nalanta ng Pesteng Balang, 1569-1949.” Ayon sa aklat, makikita na kapag tiningnan ang mga kuwentong bayan, bahagi na ng buhay ng ating mga ninuno ang pagsalanta ng balang. May rituwal pa na alay sa mga anito para makaiwas dito.

Ngunit ang isa sa mga tampok ng akda ay ang pagsasalarawan kung papaanong tinugunan ng institusyong kolonyal ng Espanya ang pagiging lantad sa panganib ng Pilipinas sa mga balang. Dahil sa Biblia, ang pananalanta ng balang ay isa sa sampung salot na ipinadala ng Diyos sa mga taga-Ehipto, ito ay itinuturing na kaparusahan ng Diyos. Ang solusyon ng prayle dito ay ang pagmimisa mismo sa gitna ng palayan, pagbabasbas sa mga pananim, o pagpuprusisyon ng mga santo sa bukirin.

Iba naman ang lapit ng pamahalaang ko­lonyal sa pagtugon sa kapanganiban ng balang. Isinabatas nila na magiging bahagi ng ‘polos y servicios’ o sapilitang paggawa ng mga indio ng 40 araw ang pagpuksa sa mga balang at ang pagbabayad ng pamahalaan sa bawat kaban ng balang na maibibigay sa kanila.

Ngayon, iba na ang panahon. Ibang-iba na rin ang tugon ng simbahan sa mga ha­zard. Dahil sa Traslacion ng Poong Nazareno, napaunlad ng Quiapo Church ang kanilang Disaster Preparedness and Response Ministry na pinangungunahan ni Minerva Seculles. Itinatag din ang Emergency Response Integration Center ni Bong Grajo na siyentipikong kumukuha ng mga datos sa mga malalaking mga kaganapan ng simbahan upang magamit sa pagmamatyag ng pamahalaan at ng simbahan.

Nabuo rin ang Hijos del Nazareno disaster responders. Kaakibat ng pananalangin, nagsasagawa sila ng mga pagsasanay sa iba’t ibang balanghay ng mga deboto, nakikilahok sa mga malawakang earthquake drill na isinasagawa sa Simbahan ng Quiapo, at gayundin ipinapadala sila sa mga lugar na may mga sakuna upang tumulong sa pagresponde sa mga nasalanta.
Sa?kasaysayan, makikita natin ang ating pag-unlad at pagkatuto.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More