Una sa Balita

Silver medal siniguro ni Ladon

GOLD NAMUMURO!

By
0 984

Hinawi ni 2016 Rio Olympian Rogen Ladon ang una sa posibleng tatlong medalya ng Pilipinas, Biyernes nang hapon matapos angkinin ang isang silya sa kampeonato ng men’s flyweight (52kg) sa 18th Asian Games boxing competition dito sa Jakarta International Expo Boxing Hall.

Tumuntong sa labanan para sa gold medal ang 22-anyos mula Bago City, Negros Occidental na si Ladon matapos biguin sa impresibong umbagan ang nakatapat na si Yuttapong Tongdee ng Thailand.

Nakakolekta ng kabuuang 148 iskor mula sa limang hurado ang hindi pa nakakatikim ng gintong medalya sa pagsali sa mga internasyonal na torneo na si Ladon sa kanyang dominanteng pagsagupa kay Tongdee tungo sa unanimous decision win, 5-0, at karapatang lumaban para sa inaasam na ginto ngayong araw.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at sa lahat ng tumutulong sa amin lalo na po kina sir Ed (Picson), kina Patrick Gregorio at President Ricky Vargas. Para po ito sa ating lahat at sa bayan,” naluluhang sabi ni Ladon, na huling naka-silver sa 2018 Kapolri Cup II sa Manado Indonesia; 2018 International Boxing Tournament sa Astana Kazakhstan at sa ginanap na 2018 Test Event Pre-Asian Games dito din sa Jakarta Indonesia.

Huling nakatikim ng gintong medalya sa internasyonal na torneo si Ladon noong 2012 2nd Taipei City Cup sa Taipei City at noong 2011 International Boxing Tournament sa Hongkong.

Makakasagupa ni Ladon para sa gold si Jasurbek Latipov ng Uzbekistan, na dinispatsa si Azat Uzenaliev ng Kyrgyzstan’s 4-1, sa iba pang semifinal match.