Una sa Balita

Sikat na female personality sukang-suka sa ex-dyowang user

By
0 2,095

Kung gusto mo raw makita ang isang sikat na female personality na parang masusuka ay banggitin mo lang ang pangalan ng kanyang dating karelasyon. Sa pagkarinig pa lang niya sa pangalan nito ay parang umaakyat na sa kanyang lalamunan ang kinain niya na anyong masusuka.

Kuwento ng aming source ay marami naman kasing dahilan kung bakit parang naaadwa (nasusuka) ang sikat na female personality sa pagkarinig pa lang sa pangalan ng aktor.

Sabi nito, “Actually, may connection ang ganu’ng feeling niya sa kawalan ng respeto. Kung anu-ano naman kasi ang pinaggagawa ng dati niyang karelasyon nu’ng sila pa.

“Alam ‘yun ng mga naging kasambahay nila, hindi maitatago ang mga kuwento, naging saksi sila sa sobrang pagsasamantala nu’ng guy sa girl. Hindi mahilig mag-shopping ang girl, siya ang pinupuntahan ng mga biyahero para dalhan ng mga produkto, wala siyang hilig lumabas ng bahay para lang mag-shopping.

“Ang hilig niya, e, paggo-grocery. Kapag may time siya, e, talagang binibigyan niya ng panahon ang pagpunta sa isang sikat na supermarket kasama ang mga kasambahay nila.

“Grabe siyang mag-grocery, parang puwede nang magpakain ng girl sa isang buong barangay kapag namimili siya ng mga kaila­ngan nila sa bahay. Kaligayahan na niyang makitang punumpuno ang kanilang pantry.

“Nawiwindang na lang ang girl, bakit biglang kumokonti na ang kanilang stocks, saan ‘yun napupunta? Report ng mga kasambahay niya, hinahakot ‘yun ng lalaki, iniuuwi sa kanilang bahay, parang nag-grocery na rin ang pamilya niya sa dami ng hinahakot niyang mga de-lata at kung anu-ano pa mula sa pantry nila ng girl,” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

At marami pang ibang istorya. Kaya kapag naaalala ng sikat na female personality ang mga kuwentong ‘yun ay nasusuka siya.

Sundot pa ng aming impormante, “Hindi lang siya kuring, user pa at mapagsamantala!”

——-

Jessica marunong tumanaw ng utang na loob sa mga Pinoy

Magtatagal pa nang dalawang linggo dito sa Pilipinas si Jessica Sanchez. Sasamantalahin niya ang pagkakataon para makapamasyal sa kanilang mga kamag-anak sa Bataan at para masamahan na rin sa pag-iikot sa ating bansa ang negosyante niyang boyfriend na si Ricky na isang American-Spanish.

Mula nang maging magkarelasyon na sila ay ipinangako ni Ricky na pansamantala itong liliban sa kanyang opisina para masamahan si Jessica sa kanyang mga shows sa iba’t ibang bansa.

Nu’ng Biyernes nang gabi ay nag-guest siya sa concert ni Jake Zyrus, kinanta niya ang Caught Up na pinaka­bago niyang single, napakaganda ng rendisyon nila ni Jake ng The Prayer.

Nagkakilala sila ni Ricky sa isang gig ng dalaga sa Los Angeles, wala itong kaalam-alam tungkol sa pagiging kalahok ng singer sa American Idol Season 11, basta ang gabing ‘yun ay naging simula na ng kanilang komunikasyon na kung ilarawan ni Ricky ay walang pinipiling oras.

Hindi nakapagsasalita nang matatas na Tagalog si Jessica, pero nakaiintindi siya, mga pagkaing Pinoy rin ang paborito niya. Nakakatuwang malaman na tinuturuan pa ngang mag-Tagalog ni Jessica ang kanyang boyfriend.

“She’s a proud Filipino,” sabi ni Ricky, na kung pagmasdan si Jessica ay parang wala nang bukas pa. ‘Yun daw ang unang-unang sinabi sa kanya ni Jessica, na ipinanganak man siya sa Amerika ay kulturang Pinoy ang kanyang bitbit, kaya humanga sa kanya si Ricky.

Sa kabila ng inabot niyang tagumpay ay nakatanim pa rin sa lupa ang magkabilang paa ng ating kababayan. Ngayon pa nga lang daw siya nakapagpapasalamat sa mga kababayan nating­ sumuporta sa kanya sa American Idol.

Ganyan naman talaga tayong sumuporta sa ating mga kalahi. Ang atin ay atin at ang hindi ay hindi. At hindi nagkamali ang mga Pinoy sa pagbibigay ng suporta kay Jessica Sanchez na marunong tumanaw ng utang na loob.