Una sa Balita

Sikat na aktor umaasa sa karelasyon

0 844

Fake news ang kuwentong lumabas na wala nang pera ang isang sikat na male personality na piniling manahimik muna sa paggawa ng mga proyekto. Walang katotohanan ang balitang lumabas.

Walang alam tungkol sa kanyang personal na buhay ang nagpalutang ng balita, gawa-gawa lang ‘yun, dahil kayang-kaya pang mabuhay nang mahabang panahon ang sikat na male persona­lity kahit hindi muna siya magtrabaho.

Kuwento ng aming source, “Ang hindi nila alam, parang happy go lucky lang si ____(pangalan ng sikat na lalaking perso­nalidad), parang napaka-cool lang niya, pero magaling siyang humawak ng pera.

“Marami siyang nabiling­ properties before na nand’yan lang, hindi niya ibinebenta, tumaas na nang tumaas ang value. Kung ibebenta niyang lahat ang mga naipundar niya nu’n, e, bil­yonaryo siya, sigurado ‘yun!

“Kaya bakit palalabasing­ wala na siyang datung? Bakit may magsasabing namamalimos na siya ng work dahil wala nang laman­ ang kanyang kaban?

“Kayang-kaya pa niyang mabuhay nang masagana nang mahabang panahon. Choice niya ang ganyan, gusto niya munang namnamin ang buhay na walang controversy, walang pressure, pinili niya ‘yun!” pagdedepensa ng aming impormante.

May isyu pang umaasa na lang daw ngayon ang sikat na male personality sa kanyang karelasyong anak-mayaman. Lalong hindi alam ng mga naglabas ng kuwentong ‘yun kung gaano ka-generous sa kanyang karelasyon ang lalaking personalidad.

“Lahat ng ex niya, puwedeng magsabi kung gaano siya ka-generous. Hindi siya kailanman naging problema ng babae. Grabe siyang mag-splurge.

“Kalokohan ‘yun! Hindi siya ang gustong palabasin ng mga nagkakalat ng ma­ling kuwentong ‘yun! Baka ibang artista ‘yun! May sarili siyang pera, marami siyang naipon at na-invest, fake news ang lumabas na wala na siyang datung kaya gusto na niyang magtrabaho uli!” madiing pagtatapos ng a­ming source.

JK sinayang ang kasikatan

Ang pagmumura, kahit saang korte iharap, ay mali. Sa pribado o pampublikong lugar ay hindi pinapalak­pakan ang pagbibitiw ng mga salitang hindi maganda sa pandinig at nanunugat.

Lalo na sa mga pampublikong pigura na tulad ng mga artista, ang pagmumura nang lantaran ay itinuturing na krimen ng iba, dahil tini­tingala sila sa pedestal bilang magandang halimbawa at huwaran para sa mga kabataan.

Isusulat sa libro ng mundo ng musika ang tatlong beses na malulutong na pagmumura ni JK Labajo habang nasa gitna siya ng entablado. Sa kahit anong argumento daanin ay talagang hindi maganda ang ginawa ng magaling pa namang singer-kompositor na si JK.

Habang pinagpipistahan ng buong bayan ngayon ang kanyang piyesang “Buwan” na kinakanta-kanta kahit ng mga uhuging bata dahil sa magandang letra at melodiya ay sumingit ang negatibong pagmumura niya sa isang alaskador na manonood.

Sayang. Nakapanghihinayang. Sana’y hindi nagpadala sa silakbo ng kanyang damdamin si JK nang marinig niya ang pangalan ni Darren Espanto. Sana’y hindi na lang siya nagpaapekto at kung talagang gusto niyang bawian ang nakabubuwisit na nambu-bully, sana’y ibang atake na lang ang kanyang naisipan, hindi ang paulit-ulit na pagmumura na hindi agad makakalimutan ng publiko.

Ayaw naming isipin na yumabang na si JK Labajo. Nakaharap na namin siya, nakausap, nasa tabas ng kanyang dila ang respeto at pagpapakumbaba.

Hindi namin gustong isipin na nang dahil lang sa isang hit na kanta ay magbabago na ang kanyang ugali. Gusto na lang naming isipin na ang tao talaga, kapag itinutulak na sa pader, ay lumalaban.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy