Una sa Balita

Signal No. 2 sa Pasko

By
0 0

Nakatutok na ang Philippine Atmosphe­ric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagtama ng bagyong ‘Nina’ sa kalupaan sa mismong araw ng Pasko.

Ayon kay PAGASA Administrator Vicente Malanao, kapag magtuluy-tuloy ang direksyon ng namumuong sama ng panahon na nasa labas pa ng Philippine area of responsibility (PAR), posibleng sa December 24 o 25 dadaan sa kalupaan ang bagyong mabubuo pagsapit ng Biyernes.

Pero paglilinaw ng PAGASA, hindi kala­kasan ang mino-moni­tor nilang weather disturbance kaya kung sakaling pumasok man ito sa PAR at maging ganap na bagyong Nina, papalo lamang sa signal no. 2 ang alarma sa landfall o pagtama nito sa kalupaan.

Ang malinaw ayon kay Malanao ay magi­ging maulan ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan sa Noche Buena at sa mismong araw ng Pasko sa Linggo.

Habang kumikilos ang LPA na nasa labas ng PAR, magiging maulan din ang ilang bahagi ng bansa.