Una sa Balita

Sige ikulong nyo ako-Sonny

0 1,388

WALANG plano na tumakas o magtago si Senador Antonio Trillanes IV at kusang-loob na susuko umano ito kapag inaresto na siya ng mga awtoridad matapos ilabas ng Malacañang ang proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinapawalang-bisa ang ibinigay na amnestiya sa kanya.

“Hindi ako magtatago definitely sa akin lang my lawyers are existing all legal remedies, I will abide by the Senate leadership kung darating sa punto na kailangan pumunta, magwo-walk in ako mismo. I will not resist arrest, I will not escape so haharapin ko ito,” ayon sa senador makaraang pumutok ang balita ng pagkansela sa kanyang amnestiya.

Susunod rin umano si Trillanes sa anumang magiging desisyon ng Senado sa pamumuno ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, kung isusuko siya o bibigyan ng proteksiyon.

Ngunit iginiit ni Trillanes na walang hurisdiksyon si Pangulong Duterte sa kanyang amnestiya na desisyon umano ng Kongreso.

“Itong amnesty is an act of Congress so hindi siya masu-supersede ng isang executive order,” ani Trillanes.

Binigyang-diin ng senador na sumunod siya sa lahat ng panuntunan at pangangailangan ng amnestiya kabaligtaran ng inaakusa sa kanya.

“Alam niyo po hindi naman ako bibigyan ng amnesty kung ‘di ako nag-comply sa mga requirements. Sumumpa ako kay former Secretary of Defense Voltaire Gazmin at mapatotohanan ‘yan ng defense officials so absolutely complied lahat ‘yan. ‘Yung mga kaso sa civilian courts na-dismiss ‘yan,” giit ni Trillanes. “Ito, political persecution dahil wala silang mahanap na kaso sa akin so kailangan mag-imbento,” ayon pa kay Trillanes.