Una sa Balita

Sigaw ng mga Senate employee: Nasaan na ang ID namin!

0 338

IMBIYERNA na ang maraming empleyado ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa matagal nang pagkakaantala ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa paglalabas ng mga bagong identification card (ID).

Sa karanasan ng mga empleyado ng Kapulu­ngan, nangyari lamang ang matagal na pagkakaantala sa ilalim ng pamunuan ni Senate Sergeant-at-Arms Major General Rene Samonte.

Sa impormasyong nakalap ng Abante, nalilito rin umano ang mga empleyado kung ano ang kanilang gagawin dahil bukod sa hindi pa nga nailalabas ang mga ID, sobrang higpit ng seguridad at kinakaila­ngan pang magpakabit ng sticker sa kuwelyo ng kanilang mga damit ang mga ito bago makadiretso sa kani-kanilang opisina.

Ang pagproseso sa mga ID ng mga empleyado ng Senado ay inumpisahan na umano halos dalawang linggo bago pa man maidaos ang pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nailalabas ang mga ito.

Partikular na apek­tado ng pagkakaantala ng paglalabas ng ID ay ang mga coterminous sa mga senador at mga kawani ng mga nanalo noong nakaraang senatorial elections.

Maging sa loob ng session hall ay hirap din ang mga empleyado ng mga senador dahil hindi sila puwedeng basta-basta tumayo lamang kahit sa mga lugar na dating pinupuwestuhan upang madaling makita kapag hinanap ng kanilang mga principal.

“Pupunta ka na nga lang sa CR hahanapan ka pa ng ID,” banggit pa ng ilang babaeng empleyado.

“Noong panahon ni General Balajadia, hindi naman ganito sistema pero wala namang nangyaring hindi maganda,” usap-usapan pa ng mga empleyado na madalas na kumakain sa Senate lounge.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay tuloy-tuloy ang paninita ng OSAA sa mga empleyadong walang sticker sa kuwelyo o kaya ay hindi nakakabit ang lumang ID.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy